MARTIAL LAW? FAKE NEWS ‘YAN! – LORENZANA

TAHASANG itinanggi ng Department of National Defense (DND) ang kumakalat na balita sa social media hinggil sa umano’y planong pagdeklara ng pamahalaan ng isang batas military sa hangaring mapigilan ang COVID-19 surge sa paraang pwersahang pagpapasunod sa mga mamamayan.

“Hehehe. Not true. Fake news,” ani ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, kasabay ng malakas na halakhak nang tanungin ng mga mamamahayag kaugnay sa kumakalat na balita sa iba’t ibang social media platforms.

Giit ng Kalihim, walang sapat na dahilan para magdeklara ng Martial Law.

“Definitely its out of the picture, hindi totoo ang mga balitang ito lalo pa at wala namang compelling reasons para magdeklara ng martial law,” paliwanag ni Lorenzana na tumatayo rin chairman ng National Task Force Against COVID-19.

Aniya, ang 17,220 na bagong COVID-19 infections na naitala nito lamang Enero 6, ay hindi hamak na mas mababa sa 26,000 na naitala nito lamang nakaraang taon.

Dagdag pa niya na kahit mas nakakahawa, ang Omicron variant, na siyang pinaniniwalaang nasa likod nang pagsirit ng COVID-19 cases, ay hindi kasing bagsik kumpara sa Delta variant na kumitil ng hindi bababa sa 400,000 katao sa bansang India buwan ng Hulyo 2021.

Gayunpaman, aminado ang Kalihim na pinag-uusapan na nila ngayon ang posibilidad ng pagpapatupad ng mas mahigpit na mga restrictions sa National Capital Region.
‘But not a total lockdown,” paglilinaw ni Lorenzana.

Kaugnay nito, umapela ang Malakanyang sa publiko na tigilan ang pagpapakalat ng fake news ukol sa ginagawang pagtugon ng gobyerno sa coronavirus (COVID-19).

Giit ni acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, ang pagpapakalat ng “baseless and malicious rumors” ay hindi nakatutulong kundi nagdudulot lamang ng panic sa mamamayan.

Nauna rito, kumalat sa social media ang voice clip ng isang babae na nananawagan sa publiko na mag-imbak ng pagkain at mga importanteng bagay dahil sa diumano’y nakatakdang pagdedeklara ni Pangulong Duterte ng martial law o “total lockdown” hanggang sa katapusan ng buwan dahil sa pagsirit ng COVID-19 cases.

Dahil dito, itinuring ni Nograles ang voice clip bilang fake news at hiniling sa publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa credible sources.

“Fake news po ito. ‘Wag po tayong magpapaniwala sa ganitong uri ng balita. Please get your news and information from credible sources only,” ayon Kay Nograles.

“Kaya naman po binabalita agad natin ang mga bagong hakbang laban sa COVID para alam kaagad ito ng taumbayan,” dagdag na pahayag nito.

Umapela rin si Nograles sa nagpapakalat ng fake news na tigilan na ito dahil makakatulong sa kasalukuyang sitwasyon. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)

178

Related posts

Leave a Comment