MARTIAL LAW NA BA NGAYON?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NANARIWA sa isipan ng mga residente ng Barangay San Vicente sa Concepcion, Tarlac, ang isang eksenang tila iniluwal ng madilim na alaala ng bansa, ang naranasang kalupitan ng batas militar noong pahanon ng “Martial Law” — ang mga armadong pwersa sa bawat kanto, mga kalsadang sinarado, at isang komunidad na tinrato na parang kalaban ng estado.

“Parang Martial Law,” ang paglalarawan ng mga residente sa biglaang paglusob ng napakaraming pulis at sundalo bandang alas-5 ng umaga.

Hindi ito operasyon kontra-terorismo, ni paghabol sa masugid na kriminal, kundi ang pagsisilbi ng search warrant sa bahay at compound ni Rep. Noel “Bong” Rivera.

Mahigit isang daang SAF at CIDG personnel ang idineploy, sinelyuhan ang lugar, at hinarangan maging ang mga opisyal ng barangay.

Umabot hanggang tanghali ang paghahalughog. Ang diumano’y target: mga ilegal na baril. Ang kinalabasan: Wala. Walang narekober, walang inaresto, walang ebidensya—kundi takot na mga bata, nasirang ari-arian, at isang komunidad na nadamay sa isang operasyong walang napala.

Si Rivera ay iniimbestigahan ng Office of the Ombudsman kaugnay ng bilyun-bilyong pisong proyektong pang-imprastraktura. Ngunit kahit may imbestigasyon, walang anomang lohika o propesyonal na pamantayan ang makapagtatanggol sa pag-deploy ng halos digmaang puwersa para lamang magserbisyo ng warrant na nauwi sa wala.

Lalong nagulat at nabahala ang mga residente at netizens nang mag-ulat ang isang pangunahing organisasyon ng balita bandang hapon, na may dalawang indibidwal umanong inaresto at sampung baril na nasamsam ng raiding team—mga pangyayaring, ayon sa mga saksi at lokal na opisyal, ay hindi kailanman naganap sa mismong operasyon.

Mabilis na kumalat sa online ang mga ulat na kumukuwestiyon sa impormasyon, dahil malinaw sa mga naroon: walang pag-aresto at walang kumpiskasyon sa ilalim ng search warrant.

Kalaunan, napag-alamang ang naiulat na mga “aresto” at “nasamsam na baril” ay tinaguriang drawing operations, matapos lumitaw na ang mga armas ay boluntaryong isinuko ng mambabatas at hindi narekober sa bisa ng warrant.

Para sa mga kritiko, malinaw itong pagtatangkang lagyan ng huwad na “resulta” ang isang operasyong hayagang bumagsak—isang mapanganib na pagbaluktot ng katotohanan na lalong sumira sa tiwala ng publiko.

Mas malala ito kung ilalagay sa konteksto ng naunang kabiguan ng CIDG sa Midas Hotel sa Pasay, kung saan daan-daan ding tauhan ang ipinakalat sa isang 10-palapag na gusali upang hanapin umano ang mga wanted sa kasong graft.

Ang resulta ay kapareho: walang suspek, walang inaresto, walang ebidensya—isa na namang “loud failure” na binalot ng sobrang ingay at walang laman.

Magkasunod ang mga kabiguang ito, at malinaw ang padron: sobrang puwersa, mahinang intelihensya, at palabas na operasyon. Hindi ito lakas ng estado kundi kahihiyan ng institusyon—isang law enforcement posture na ipinagpapalit ang pananakot sa ebidensya at ang presensya sa propesyonalismo.

Mas nakababahala ang impormasyong may isang Cabinet Secretary na nasa likod o nagtulak ng isa sa mga operasyong ito. Kung totoo, ito ay tahasang paggamit ng kapangyarihan ng estado laban sa personal o pampulitikang kaaway—isang abusong hindi maaaring palagpasin.

Ang mga ganitong palpak na operasyon ay may malinaw na epekto sa itaas. Hindi nakapagtataka na ayon sa WR Numero, bumagsak sa pinakamababang antas ang satisfaction rating ni Pangulong Marcos Jr. mula nang maupo. Paulit-ulit na institusyonal na sablay—lalo na yaong may bahid ng yabang at abuso—ang tuwirang sumisira sa kredibilidad ng Pangulo.

Sa puntong ito, malinaw ang nararapat gawin: Dapat sibakin sa puwesto ang mga pinuno ng CIDG at mga yunit na sangkot. Ang pag-deploy ng “ilang batalyon” para sa mga operasyong nauuwi sa wala ay hindi determinasyon—ito ay kabiguan ng pamumuno.

Hindi rin maaaring manahimik sina Acting PNP chief, Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez, National Security Adviser Sec. Eduardo Año, at AFP chief, Gen. Romeo Brawner Jr. Ang hindi pagpigil sa ganitong law enforcement theater ay nagiging uri ng pakikipagsabwatan. May tungkulin silang pigilan ang higit pang pinsala sa institusyon at sa Pangulo.

Hindi hinahangaan ng mga Pilipino ang ingay, puwersa, at pananakot. Hinahangaan nila ang disiplina, intelligence, at tunay na resulta. Kung magpapatuloy ang ganitong uri ng operasyon, hindi lamang tiwala ng publiko ang mawawala—kundi ang kredibilidad ng estado mismo.

oOo

Para sa reklamo at suhestiyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

85

Related posts

Leave a Comment