Kalahati ng mga Filipino ang umano’y umaasa na gaganda pa ang kanilang buhay sa susunod na 12 buwan at apat sa 10 Filipino naman ang nagsabing gumanda ang kanilang buhay nitong nakaraang taon, ayon sa survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) nitong nakaraang Marso o halos dalawang buwan bago ang eleksyon noong Mayo 13.
Ang ganitong kataas na kumpiyansa sa pagganda ng kanilang buhay ang marahil isang dahilan sa naging panalo ng mga kandidato para senador ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong katatapos lang na eleksyon. Maliban kay Dong Mangudadatu na tanging Muslim na kandidato ng administrasyon para senador, walang duda sa panalo nina Bong Go, Bato dela Rosa, Kiko Pimentel at Francis Tolentino dahil mataas ang bilang ng mga boto para sa kanila.
Isang indikasyon ng mga tao sa pagganda ng kanilang buhay ay ang pagtaas ng sweldo o hindi kaya ang pagbaba ng mga araw-araw na gastos ng pamilya, at naging mahusay ang nagawa ng pamahalaan na pigilin pa ang mga pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa palengke kahit na tumaas ang buwis sa langis nitong nakaraang Enero.
Nakita rin ang dedikasyon ni Duterte na tanggalin ang takot ng mga empleyado na matanggal sila sa trabaho sa kanyang matinding patakaran laban sa tinatawag na sistemang “endo” o mga trabahong hanggang limang buwan lang kada kontrata lalo na sa mga malls at mga fastfood restaurants.
Nabawasan din nang kaunti ang gastos sa gamot dahil sa inilibre sa buwis ang mga gamot para sa alta presyon at diabetes na bumibiktima sa halos 10 milyong Filipino, at ipinagbawal din ang paniningil sa mga emergency na kaso sa mga ospital. Hindi na rin pwedeng pigilin ang mga pasyente na hindi makabayad sa mga singil sa ospital kapalit ng promissory note.
Sa naging magandang rating ng credit rating agency na Standard & Poors para sa Pilipinas, mababawasan din ang gastusin ng pamahalaan para sa mga utang ng Pilipinas sa ibang bansa para pondohan ang mga malalaking proyekto na imprastraktura na mas gagawing mas madali ang magnegosyo o pumunta sa kanilang mga trabaho ang mga empleyado sa ilalim ng “Build, Build, Build” program ni Duterte.
Ang ating inaantay na lang ay ang tuluyang pag-angat ng ating ekonomiya para talagang maalis sa matinding kahirapan ang milyun-milyong mga Filipino lalo na ang mga nasa probinsya. Kung uunlad ang agrikultura sa ating bansa ay siguradong mangyayari ito dahil karamihan ng mga mahihirap na mga Filipino ay mga pamilya ng magsasaka at mangingisda. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)
285