NAGBABALA si Senador Imee Marcos na kailanman ay hindi magiging transparent at ligtas ang mga boto kung susundin pa rin ang fully automated election system (AES) na ginamit mula noong 2010.
Ito ang sinabi ng senador na nag-sponsor sa Senate committee report na umiendorso sa isang hybrid election system, ayon sa panukala ni Senate President Vicente Sotto III sa inihain nitong Senate Bill No. 7 o ang Hybrid Election Act noong Hulyo ng nakaraang taon.
“Paano natin malalaman na tama ang pagkakabilang sa ating mga boto sa ilalim ng fully automated election system? Walang may alam,” pagdidiin ni Marcos, chairperson ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation.
“Dapat bawat bahagi ng proseso ng eleksyon ay bukas sa pagbusisi. Simula noong 2010, mas tinutukan natin ang bilis at ginhawa sa halip na bantayan ang transparency,” dagdag pa nito.
Nagpahayag din ng pagkadismaya si Marcos sa mga iregularidad sa pagbilang ng boto simula nang gamitin ang AES, tulad ng mas maagang transmission ng mga boto, foreign access sa mga election server, paglalagay ng karagdagang device na tinawag na “queuing server” habang nasa kalagitnaan ng proseso ng pagta-transmit ng mga boto, script change sa gitna ng live na transmission ng mga resulta, at di-kumpletong transmissions ng mga resulta.
“Bahagi rin ng pagbabagong ito ay paglimita ng pagpapalit ng mga kandidato mula lamang sa mga kaso ng pagkasawi at diskuwalipikasyon, para hindi makasagabal sa timeline ng pag-iimprenta at pamamahagi ng balota sa lahat ng presinto sa kabuuan ng bansa,” paliwanag ni Marcos.
Aniya, ang pag-iimprenta ng mga balota ay hindi na rin ia-outsource kundi sagrado na lamang sa National Printing Office at magkakaroon din ito ng bar code, na maaaring ma-scan upang makita ang digital image ng balota at ma-authenticate, na siyang magiging bagong palatandaan ng mga opisyal na balota.
Paliwanag ni Marcos, kung sakaling magkaroon ng pagkakaiba sa resulta ng mga boto na aabot sa 2% sa pagitan ng mga naisumite manually at electronically, awtomatikong magkakaroon ng recount sa nasabing posisyon na kinukuwestyon.
Aniya, bagamat dagdag trabaho ang hybrid election para sa mga guro at election officers, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mas mataas na uri ng transparency sa mga susunod na eleksyon. (NOEL ABUEL)
