Mas mataas dapat ranggo ni Pacquiao sa Top-100 GOAT

KASAMA si Pilipino world boxing icon Manny Pacquiao sa listahan ng 100 Greatest of All Time (GOAT) Boxers ng Ring Magazine.

Ayon sa prestihiyosong magasin, pang-siyam ang ating si Manny sa mga magigiting na ­mandirigma sa ibabaw ng parisukat na lona sa likod nina Sugar Ray Robinson (1); Joe Louis (2); Muhammad Ali (3); Tony Canzoneri (4); Emile Griffith (5); Floyd Mayweather (6); Willie Pep (7); at Ezzard Charles (8). Ang pang-sampu ay si Archie Moore.

Sa personal na opinyon ng inyong lingkod na nagkokober at sumusubaybay sa mga kaganapan sa sport na tinatawag na “sweet science” mula pa noong 1975, dapat ay pang-apat o mas mataas pa ang ­ranking ni Sen. Manny kaysa kay Floyd Mayweather sa nasabing listahan.

Bakit? Si Manny lamang ang kaisa-isang ­boksingero na mayroong humigit kumulang isang dosenang pandaigdig na kampeonato sa walong weight division. At hindi ito nagawa o napantayan ng kahit sino na nasa listahan ng GOAT.

Ang Pambansang Kamao rin ang kauna-unahang boksingerong nanalo ng limang lineal world championships sa limang magkakaibang dibisyon. At pinaka­unang nagkamit ng major world title sa apat na orihinal na dibisyon ng kanyang sport – flyweight, featherweight, lightweight, welterweight – na kilala sa tawag na “glamour” divisions.

Si Manny rin ang tanging world title holder sa apat na dekada (1990s, 2000s, 2010s at 2020s). ­Katunayan, noong Hulyo 2019 ay tinanghal siyang pinakamatandang kampeon sa welterweight o 147-­librang kategorya, sa edad na 40. At siya rin lang ang apat na beses nagkampeon sa nasabing dibisyon sa kasaysayan ng boksing.

Noong 2016, ang kabiyak ni dating Sarangani Gob. Jinkee at ama ng lima nilang anak, ay pumangalawa sa listahan ng ESPN pound-for-pound sa nakaraang 24 na taon. Pinangalanan din si Manny na “Fighter of the Decade” noong dekada 2000s ng ­Boxing ­Writers Association of America, bukod sa naging “Fighter of the Year” ng RING (2006, 2008 at 2009), at “Best Fighter of the Year” (2010 at 2011) ng ESPY.

Matagal din naging “pound-for-pound best active fighter in the world” si Pacquiao sa halos lahat ng sporting news at boxing websites kabilang ang ESPN, Sports Illustrated, Sporting Life, Yahoo Sports, ABOUT.COM. BOXREC, at RING.

Anim sa koronang nakamit ni Manny, mula sa kabuuang eight-division world championships, ay sa pamamagitan ng KO o TKO – flyweight vs Chatchai Sasakul (KO 8), super-bantamweight vs Lehlo Ledwaba (TKO 6), featherweight vs Marco Antonio Barrera (TKO 11), lightweight vs David Diaz (TKO 9), junior welterweight vs. Ricky Hatton (KO 2), welterweight vs. Miguel Cotto (TKO 12).

Tanging si Juan Manuel Marquez, super-featherweight (W 12) at Antonio Margarito, super-welterweight (W 12) ang nakatapos ng laban nang nakatayo. Lahat ng mga nakalaban ni Manny, maliban kay Margarito, ay pawang mga first ballot candidate para magawaran ng karangalan ng International Boxing Hall of Fame.

280

Related posts

Leave a Comment