NANAWAGAN ang mga miyembro ng minority bloc sa Mababang Kapulungan ng mas matapang at mas malakas na tugon mula sa pamahalaan laban sa umano’y pang-iinsulto ng Chinese Embassy sa mga opisyal at institusyong nagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Ito’y matapos ihain ang House Resolution No. 680 na humihimok sa executive department, partikular sa Department of Foreign Affairs (DFA), na kumilos nang mas mariin.
“Nakita natin na naglabas na ng statements ang DFA, pero naniniwala tayo na dapat mas malakas at mas matapang pa ang tugon ng gobyerno,” ani Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima.
Kabilang sa mga lumagda sa resolusyon sina Reps. Edgar Erice, Adrian Michael Amatong, Arlene “Kaka” Bag-ao, Jaime Fresnedi, Cielo Krisel Lagman, Alfonso V. Umali Jr., at mga kinatawan ng Akbayan na sina Chel Diokno, Percival Cendaña, at Dadah Kiram Ismula.
Ayon sa mga mambabatas, nilalabag umano ng Chinese Embassy ang 1961 Vienna Convention on Diplomatic Relations (VCDR) sa pamamagitan ng personal na pag-atake, panlalait, at pambabastos sa mga Pilipinong opisyal sa social media sa halip na idaan sa diplomatic channels ang anomang hindi pagkakaunawaan.
Kabilang sa mga inatake umano sina PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela, Senators Risa Hontiveros, Francis “Kiko” Pangilinan, at Rep. Chel Diokno.
“Wala silang karapatan na laitin at bastusin ang ating mga opisyal. Tulad ng pagtatanggol natin sa WPS, dapat lang na ipagtanggol din natin ang dignidad ng ating bansa,” giit ni De Lima.
Iginiit pa na kinakailangan ng mas matapang at agarang aksyon ng DFA laban sa patuloy na personal attacks at pananakot ng Chinese Embassy.
(BERNARD TAGUINOD)
2
