MAS PASIGLAHIN PASIG RIVER FERRY SYSTEM

OPEN LINE Ni BOBBY RICOHERMOSO

MAY kasabihan tayong mga Pinoy na ang anim na taong termino para sa isang mahusay at mabuting pangulo ay napaka­iksi, subalit maituturing na napakahaba naman kung bobo at korap ang presidenteng mamumuno sa bansa sa nasabing panahon.

Ang mas masama pa rito ay kung nanggaling sa kalabang kampo ang susunod na ­pangulo dahil malaki ang tsansa na ipahinto niya ang mga proyekto ng pinalitan niya, kahit maayos naman ang mga programang ito.

Naalala ko tuloy sina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Noynoy Aquino.

Noong panahon ng pamumuno ni GMA ay naghanap siya ng solusyon upang maibsan ang napakalalang problema sa trapik sa Metro Manila.

At isa sa solusyong naisip niya ay ang Pasig River Ferry System na binuksan niya ang operasyon noong Pebrero 14, 2007 na may limang ferry stations na binubuo ng Escolta, PUP, Sta. Ana, Hulo at Guadalupe.

Pagkaraan ng isang taon ay naging 14 na ang mga ferry station at umabot na rin ang biyahe ng ferry mula sa Pasig hanggang sa Intramuros na mas lalong nagpasigla sa serbisyo nito.

Kaya naman malaking tulong at ginhawa ang proyekto para sa maraming tao at maging sa mga estudyante na araw-araw na nagbibiyahe mula sa Pasig, Mandaluyong, Makati at iba pang lugar patungo sa Maynila at vice versa.

Bukod sa naging mas mabilis na ang biyahe para sa libo-libong commuters, naging daan din ito para mabawasan kahit paano ang trapik sa mga kalsada dahil tinangkilik ito nang husto ng mga pasahero.

Maayos din naman kasi ang bawat ferry boat na kayang magsakay ng maraming tao at maging ng mga bagahe, bukod pa sa convenient ang biyahe dahil mayroon silang aircon, HD TV sets, comfort rooms at maayos na ticketing system.

Pero pagbaba ni GMA sa puwesto sa hindi malamang kadahilanan ay nahinto ang serbisyo nito at tuluyang isinara noong 2011.

Nang bumaba sa puwesto si Noynoy noong 2016 ay itinuloy ng administrasyon ni Digong ang Pasig River Ferry Services pero hindi na ito naging kasing-sigla noong panahon ni GMA.

Kaya sana ay isa sa dapat gawing prayoridad na programa ng bagong upong si Pangulong Bongbong Marcos ang pagbuhay muli sa Pasig Ferry River System at mas suportahan at higit pang pasiglahin ito.

Napakalaking tulong ito sa libo-libong mga biyahero lalo na iyong mga negosyante na namimili sa Divisoria at mga ­estudyante na nag-aaral sa Kamaynilaan para mas mapabilis ang kanilang biyahe.

Bilib tayo sa galing at sinseridad ni PBBM na bigyan ng mas maayos na buhay ang mga mamamayan, kaya naman tiyak ko na bibigyang prayoridad niya ang pagbibigay ng todong suporta para mapalakas muli ang serbisyo ng Pasig River Ferry System.

136

Related posts

Leave a Comment