HINDI ko masisisi ang mga tao na madismaya dahil napag-iiwanan na tayo sa covid-19 vaccination dahil maging ang mga maliliit at mahihirap na bansa tulad ng Bangladesh ay nagsimula nang magbakuna pero tayo ay nganga pa rin hanggang ngayon.
Tayo ang may pinaka-istrikto at pinakamahabang lockdown sa mundo dahil hanggang ngayon ay nasa general community quarantine pa rin tayo, pero nahuhuli pa rin tayo sa pagbabakuna.
Nabaon na rin tayo sa utang dahil sa pandemya, pero hindi pa nararamdaman ng mga tao ang positibong epekto ng napakahabang lockdown at napakalaking inutang ng gobyerno dahil sa pandemyang ito.
Buryong na buryong na ang mga tao at marami na ang matagal ng gutom pero wala pang kasiguraduhan kung kailan makakalaya ang mga tao dahil mayroong mga opisyales ng gobyerno ang pumalpak sa kanilang trabaho.
Noong isang taon pa pinag-uusapan ang bakuna at pinangakuan tayo na Disyembre pa lamang ay magsisimula na ang mass vaccination pero anong petsa na? Hanggang ngayon, hindi pa natin naaaninag ang anino ng bakuna.
Muli tayong pinangakuan na kalagitnaan daw ng Pebrero ang dating ng unang batch ng bakuna para sa mga frontliners pero hindi ito dumating kaya paanong hindi magagalit ang mga tao.
Simula pa lang ng pandemya, palpak na sila dahil mas binigyan nila ng importansya ang diplomatikong relasyon nila sa China kesa sa kapakananan ng sambayanang Filipino.
Ngayon halatang halata na pumalpak na naman sila sa pagbili ng bakuna dahil may mga opisyales ng gobyerno na hindi agad ginawa ang kanilang assignment para magkaroon tayo supply.
Alam naman siguro ni Health Secretary Francisco Duque III na requirements ng mga vaccine manufacturers na ang mga gamot na ginawa nila ay para sa Emergency Used Authorization kaya nangangailangan ito ng indemnification agreement pero hindi agad trinabaho?
Hindi agad nag-order gayung matagal nang pumila ang mga ibang bansa tulad ng Amerika at Israel sa mga gamot na gawa sa ibang bansa maliban sa China at nang maka-order na, hindi pa pala ibinibigay ang requirements.
Ngayon lang sila magkukumahog kung kailan nalaman nila na hindi maidedeliber ang inorder na bakuna kung hindi ibibigay ang requirements na hinihingi ng mga manufacturer.
Ngayon, masisisi nyo ba ang mga tao na magalit? Kaya nga nandyan ang opisyales ng gobyerno para magsilbi sa taumbayan. Ano pa’t nandyan kayo kung hindi rin lang nyo naman pala ginagawa ang trabaho nyo?
Hindi nyo puwedeng sabihin na kaya nandyan kayo ay para sa kawanggawa dahil sinusuwelduhan kayo ng taumbayan mula sa buwis na kanilang binabayaran. Kayo na nasa gobyerno ay hindi naman naapektuhan ang suweldo sa panahon ng pandemya dahil buo pa rin ang tinatanggap nyong sahod kumpara sa mga nasa pribadong sektor na kung hindi binawasan ay hindi na pinapasok sa trabaho.
Hindi ko rin masisisi ang iba na mag-isip na talagang drinibol ang pagbili ng mga bakuna na gawa sa Western Countries para hintayin ang bakuna na gawa ng China tulad ng Sinovac.
May mga Congressmen tuloy ang nagdududa na sadyang ginawa ang kapalpakang ito para mas maunang dumating ang mga bakunang gawa ng China na pinagdududahan kung epektibo ba talaga o hindi.
Nabasa nyo naman siguro ang sinabi ng FDA director general na hindi puwedeng gamitin sa medical frontliners at senior citizens ang Sinovac di ba?
