MASS MEDIA OWNERS, DAPAT PINOY – DEFENSOR

HINDI dapat dalawa ang citizenship ng mga may-ari ng mga mass media company tulad ng ABS-CBN dahil kaya ng mga ito na impluwensyahan ang pag-iisip ng mga Filipino.

Ito ang iginiit ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa pagdinig sa prangkisa ng ABS-CBN kung saan tumutok ang mga mambabatas sa pagiging American citizens ni Eugenio “Gabby” Lopez III.

Humarap si Lopez sa nasabing pagdinig sa pamamagitan ng zoom meeting at inamin na dalawa ang kanyang citizenship at gumagamit ng American at Filipino passport.

Ayon kay Defensor, sa ilalim ng 1987 Constitution, sinomang Filipino na nais tumakbo sa eleksyon sa Pilipinas tulad ng barangay election ay kailangang isuko ang kanyang foreign citizenship.

Dahil dito, nararapat lamang na maging ang mga may-ari ng mass media company ay lehitimong mamamayan ng Pilipinas dahil masyadong malaki ang impluwensya o naiimpluwensyahan nito ang pag-iisip ng mga Filipino.

“Kung kami po, nire-require … barangay captain, barangay kagawad, isa lang, Filipino ka lang what more for a mass media company na ang pag-iisip ng bawat Pilipino ay puwede mong kontrolin, na ang kultura ng ating bansa ay mayroon kang kinalaman. Na ang impormasyon na lumalabas ay puwede kang makialam,” ani Defensor.

Paniniguro aniya ito na walang foreign interest sa isang mass media company dahil kung nagkataong ang may-ari ng isang media company sa Pilipinas ay Filipino at Chinese citizen ay dehado aniya ang taumbayan sa usapin ng West Philippine Sea.

“If we require a barangay captain or barangay kagawad a full citizenship, it is incumbent upon us to require those who handle and owned mass media to have full citizenship,” ayon pa kay Defensor. BERNARD TAGUINOD

182

Related posts

Leave a Comment