MAY-ARI NG KABALEN BOX CARGO MULA ROMANIA HUMINGI NA RIN NG TULONG SA AMIN

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

HINDI pa man natatapos ang mga reklamo sa inabandonang cargo containers sa Bureau of Customs, isa na namang panibagong sumbong ang aming natanggap na idinaan sa aming Facebook account.

And this time, galing sa Romania na matatagpuan sa Europa pero hindi tulad ng naunang mga reklamo kung saan ang mga biktimang OFW ang lumapit at inireklamo ang cargo consolidators na All Win, CMG at Kabayan Island Express Cargo. Ang lumapit mismo sa atin ay ang may-ari ng Kabalen Box, isang cargo consolidator na nakabase sa Europa.

Ayon sa sumbong ng may-ari nito, nanatiling nakatengga sa South Harbor ang kanilang container nito lang Hunyo at ito raw ay naglalaman ng mga padala ng 114 na OFWs na nagtratrabaho sa naturang bansa.

Agad namang itinanong sa may-ari ng Kabalen Box kung sino ang kanilang kaagapay o deconsolidator dito sa bansa na mag-aayos ng kanilang mga padala, ito raw ay ang MBS na pag-aari ni Mr. Carlito “Bong” Supan.

Itinanong din namin dito kung ano ang dahilan sa pagka-antala ng pagre-release ng Bureau of Customs (South Harbor) sa kanilang mga kargamento at ang tugon nito ay isang mensahe na galing kay Mr. Supan, kung saan nakasaad dito ang palitan ng mensahe sa pagitan ng Informal Entry Division ng (BOC) at ni Mr. Supan dahil lumalabas na mayroong mga paglabag sa patakaran ng BOC dahil na rin sa “ticket” na inisyu sa MBS.

Ito ay napatunayan sa aming pagtatanong kay MICP District Collector Romeo Rosales na nagsabing ang ticket ay parang ­traffic citation na ibinibigay ng BOC kapag may nakitang violation ukol sa kargamento.

At dahil na rin sa kagandahang loob ni Collector Rosales, ­inalam nito ang dahilan sa pagkabalam ng releasing sa container ng Kabalen Box mula sa Romania at lumabas na ang may kasalanan ay ang MBS ni Mr. Bong Supan dahil expired na raw ang lisensiya nito.

Pero sa pinakabagong update na aming nakuha, naayos na ng MBS ang isyung ito na magbibigay-daan upang maproseso na ang kargamento.

Ibinalita rin sa amin ni Collector Rosales na nangako si South Harbor Collector Mico Vargas na pabibilisin ang proseso ng pagre-release ng kargamento ng Kabalen Box.

Sa puntong ito, nais naming pasalamatan si MICP District Collector Romeo Rosales sa tulong na ibinigay niya upang masolusyon ang problemang aming inilapit kahit pa hindi na niya ito hurisdiksyon.

I had the opportunity na makasama ang bagong upong Bureau of Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa ginawang cargo container opening sa warehouse ng Atlas sa Gerona, Tarlac.

At isa sa aming napag-usapan ay ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kanya na linisin at ayusin ang ahensiya.

Humingi ng tulong si Commissioner Yogi Ruiz sa inyong lingkod at sa media na makamit ang adhikain sa pamamagitan ng pagbabantay at pag-uulat sa mga pangyayaring nagaganap sa BOC.

Binanggit din nito ang posibleng pagpapa-blocklist sa cargo firms tulad ng All Win at CMG dahil sa malaking perwisyong ginawa ng mga ito.

228

Related posts

Leave a Comment