AKSYON Ni CASTILLON Ni ATTY. DAVID CASTILLON
SA mga pagdinig na ginawa ng Kongreso sa pamumuno ng butihing Senador Raffy Tulfo, mariing iminungkahi ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa may-ari ng recruitment agency dahil sa pagkamatay ng ating kababayan na si Jovelyn Tang Andres.
Ang mungkahi na ito ay lubhang nakababahala sapagkat itinuturing na kriminal ang may-ari ng ahensya at sa kanya naibaling ang sisi sa pagkamatay ng OFW. Subalit ang kanyang amo ay hindi pa rin naparurusahan hanggang ngayon.
Ano nga ba ang pananagutan ng isang may-ari ng ahensya sa pagkamatay ng manggagawa sa ibang bansa? Ang pagkamatay ng isang OFW ay magdudulot lamang ng kaparusahan sa may-ari ng ahensya kung mapatutunayan na mayroong kapabayaan.
Hindi puwedeng sampahan ng kasong kriminal ang may-ari ng ahensya dahil wala naman itong kinalaman sa pagpatay. Subalit maaari ba itong sampahan ng illegal recruitment nang dahil lamang sa pagpapabaya?
Malawak ang saklaw ng illegal recruitment at ito ay maaaring umusad kapag napatunayan ang sobra-sobrang kapabayaan ng ahensya. Subalit hindi ito ang dapat pagtuunan ng pansin dahil maraming pagkakataon na hindi agad nalalaman ng ahensya ang pangyayari dahil itinatago ito ng employer at minsan ay kasabwat pa ang mga foreign agency sa pagkubli ng insidente.
Kapag kasong kriminal ang pag-uusapan, kailangan ng patunay na ang kapabayaan ng ahensya ay siya mismong naging dahilan o kasangkapan para mamatay ang isang manggagawa. Hindi sapat na basta na lamang ibaling sa may-ari ng ahensya ang lahat ng kasalanan.
Dapat bantayan ng ating gobyerno ang proseso na pinagdadaanan bago galawin ang bangkay ng isang OFW. Mayroong kaso na ipinalalabas lamang sa imbestigasyon na nagpakamatay ang manggagawa subalit mayroong kababalaghan na nagaganap. Kung minsan, ang ating employer ay hindi agad sinasabi ang pagkamatay hanggang sa maembalsamo na ang katawan.
Sa ganitong mga pangyayari, hindi dapat basta isisi sa recruitment agencies ang pagkamatay at mauwi sa kasong kriminal lalo na kapag ang ahensya ay maayos naman na nakikipag-ugnayan.
Huwag sanang husgahan kapag hindi agad nalaman ng ahensya ang insidente dahil maaaring mayroong kasalanan ang employer o foreign agency kaya ito nahuli sa balita.
Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com.
