CLICKBAIT ni JO BARLIZO
BUGBOG sa mga pinagdedebatehang isyu ngayon ang madlang Pinoy.
Nangunguna siyempre dyan ang tanong kung dapat ba o hindi na i-impeach si Sara Duterte.
Natapos na ang rally na bagaman ipinagdiinan na para sa kapayapaan ay marami ang hindi kumbinsido dahil balatkayo lamang daw ito ng tunay na pakay na walang iba kundi depensahan ang inuusig na Bise Presidente.
Heto nga at maraming ikinakasa na susunod na mga rally na pabor naman sa impeachment. Pero aminin natin nasa kamay ng mga mambabatas ‘yan kung lalarga o ‘kill’ ang impeachment. ‘Di ba nga at agad umugong ang tsika na ‘dinaga’ raw ang Malakanyang at grupo ng mga mambabatas sa Kamara matapos ang ‘peace rally’.
Kailangan pag-isipan nilang mabuti ang diskarte, mahirap maging fence sitter lalo ang mga tatakbo sa midterm election. Tingnan n’yo na lang ang lagay ni Sen. Imee Marcos ngayon sa mga survey.
Mayroon pang isang matinding pinagdidiskusyunan ngayon – ang isyu ng ipinatutupad na Comprehensive Sexuality Education o CSE sa mga paaralan.
Sa hearing ng House Committee on Basic Education, ginisa ni Representative Roman Romulo si DepEd Assistant Secretary Jerome Buenviaje tungkol sa hakbang na ipatupad ang CSE mula kinder hanggang Grade 3, na taliwas sa Reproductive Health Law.
Maaga? Mura pa ang kaisipan ng mga bata sa paksang ito? Paliwanag ng DepEd, pangunahing basehan ng pag-develop at implementasyon ng CSE ay ang Section 14 ng Responsible Parenthood and Reproductive Health Act of 2012, na sa ilalim nito ay dapat magbigay ng reproductive health education na tuturuan ng mga guro na sumailalim sa pagsasanay ukol sa paksa.
Paliwanag ni Buenviaje, para maintindihan ang maselang paksa gaya ng reproductive health ay kailangan munang maunawaan ang simpleng konsepto ng human body at human development sa mas maagang grado.
Ayan, hindi naman pala tinatalakay ang reproductive system. Ang mga mag-aaral ng kinder hanggang grade 3 ay tinuturuan ng mga bahagi ng katawan, pandama, paano alagaan at proteksyunan ang mga sarili at makipag-ugnay sa ibang tao.
Ngunit, sapat ba ang pagsasanay ng mga guro para sa sensitibong paksa? Sagot ng kagawaran, nasa 400,000 guro ang sumailalim sa limang araw na training. Muli ang tanong, sapat ba ang limang araw para sa maselang paksa?
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na bukas at nakikinig ang DepEd sa pahayag ng publiko.
Nakikipagtulungan din sila sa iba’t ibang stakeholder, kabilang na ang health service providers at mga organisasyon para matiyak na ang kanilang mga programa ay epektibo at sensitibo.
Pabor ba kayo sa suhestyong dapat munang pag-aralan ng kagawaran ang pagtuturo ng Comprehensive Sexuality Education sa mga mag-aaral? At okey lang bang simulan ito sa mas maagang grade level.
Isang nakapangingilong argumento ang binitiwan hinggil dyan ni former chief justice Maria Lourdes Sereno. Aniya, “Hindi pa nga marunong tumawad sa palengke iyong mga anak natin pero ang ituturo natin is how to negotiate sex.
Sabagay, sa panahon ngayon, maraming daan at paraan para matutunan ng mga bata ang sex education. Ngunit iba kung sa paaralan at tahanan galing ang edukasyon. Kaso, kelan at anong edad dapat ituro sa mga bata ang paksa?
