MAY PIRATED VCD SA BI

BISTADOR Ni RUDY SIM

SA kabila ng mahigpit na direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga kawani ng pamahalaan laban sa katiwalian ay mayroon pa rin talagang ilang pasaway at walang takot sa pagsasamantala sa kanilang kapangyarihan.

Isa na rito ang ilang tauhan umano ng “Verification and Compliance Division” (VCD) ng Bureau of Immigration (BI) na tila mga piratang nambibiktima ng lehitimong travel agents.

Mula nang manalasa ang pandemya sa buong mundo bunsod ng Covid-19 ay maraming negosyo ang hindi pa rin nakababangon. Isa na marahil sa mga negosyong matinding tinamaan ay ang turismo kung saan maraming travel agencies ang nalugi dahil sa pagbaba ng bilang ng kanilang mga kliyente na naglalagi sa bansa.

Ayon sa sumbong na ­ating natanggap mula sa ilang ­accredited travel agents at liaison officers ng law offices, sa ­kakarampot na lamang na kinikita ng kanilang kompanya ay tinatakot at kinokotongan pa umano sila ng ilang tauhan ng BI-VCD main office sa Intramuros, Manila.

Ang tungkulin ng tanggapan na ito ng BI ay sila ang naatasan upang mag-post audit sa lahat ng mga papeles ng approved visa ng mga dayuhan samantalang tapos nang iproseso at dumaan ito sa pagsasaliksik ng lawyer ng legal division.

Naging modus na umano rito na kapag mayroon silang nakitang kahina-hinalang dokumento ay tinatakot nila ang agency na humawak nito at pagbabantaan na irerekomendang ipakansel ang visa ng dayuhan kahit tapos na itong ma-implement at ­kinokotongan ng P20K.

Napag-alaman na ang ­talamak umanong kotongera sa VCD ay ilang babaeng member ng famous group “K-POPpangit” na patuloy pa rin sa kanilang extortion activities. Para naman sa mga hindi pa dumaan sa kanilang ‘auditing’ ay sinisingil na lang umano ng P5K bawat folder upang hindi na kalkalin ang mga dokumento at patagong iniaabot sa labas ng kanilang tanggapan.

Nararapat na kayang ­i-abolish ang isang division na ito ng BI? Ano pa ang silbi ng Anti-Fraud? Bakit hindi balasahin ang lahat ng mga tauhan ng VCD upang maiwasan ang pangongotong sa travel companies at sa mga dayuhan?

Nasisikmura kaya ng mga tiwaling tauhan ng VCD na ipakain sa kanilang pamilya ang perang pinaghirapan ng mga taong ­naghahanapbuhay nang patas! Aba, tablan naman kayo ng hiya!

Kaya tuloy nagiging negatibo ang tingin ng mga dayuhan sa atin dahil sa inyo. Nais lamang nating linawin na mas marami pa rin sa mga kawani ng BI ang matitino at kuntento sa maliit na suweldo.

Ang opisina ng VCD ay nasa tapat lamang ni BI-OIC Commissioner Rogelio Gevero, Jr. bakit kaya sa laki ng mata mo Sir, ay hindi mo ito nakikita? Kilos! Layu­nin ng pahayagang “Saksi Nga­yon” na tulungan ang pamahalaan laban sa korapsyon.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

205

Related posts

Leave a Comment