MAY SCAMMERS PA RIN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

MULA noong July 26 ng madaling araw ay dapat pinutol na raw ang linya ng mga subscriber identity module (SIM) card na hindi nairehistro kasunod ng pagtatapos ng registration period noong July 25, ngunit may mga nagtatangka pa ring mag-scam gamit ang kanilang numero.

Tulad ng natanggap kong text message mula sa numerong +63 939 954 0230 noong July 30 ng gabi, na nagsasabing “Dear 2906 user: You have 7788 points expiring on 08/01/2023. click xinnuu.com to exchange for watches, bags.”

One hundred one percent na scam ito kaya magtataka ka bakit nakapagpapadala pa rin ng text messages ang mga scammer na pangunahing target ng mandatory SIM Card registration law. Ibig bang sabihin na nairehistro ang numerong ito?

Sa pinakahuling datos ng National Telecommunications Commission (NTC) noong July 24, umabot sa 105.9 million SIM cards ang nairehistro o 63% lang ng 168 million sim cards na ginagamit sa Pinas, bago naipatupad ang nasabing batas.

Ibig sabihin, mahigit 62 million SIM cards ang hindi nairehistro dahil baka nagamit ito sa scam pero bakit may nagpadala pa rin ng scam message?

Hindi kaya ang mga scammer ay gumamit ng mga pekeng ID para mairehistro ang kanilang SIM card dahil hindi naman sinusuri kung peke o hindi ang government ID na kailangan mong ipakita sa telcos bago nila irehistro ang kanilang numero para hindi maputol?

Maraming gumagamit ng mga pekeng ID sa Recto University na puwedeng gamitin ng mga scammer para irehistro ang kanilang sim card at maaari rin silang mag-make-up para sa kanilang selfie upang itago ang kanilang tunay na pagmumukha.

Usong-uso sa social media ngayon na ang gagandang lalaki at babae ang nasa profile pictures pero sa personal ay malayong-malayo ang kanilang hitsura, kaya hindi na ako magtataka na may scammers ang nagparehistro ng SIM cards gamit ang pekeng ID at pekeng mukha.

Ito ang dapat isunod na bigyan ng pansin ng NTC at telcos dahil mas makatotohanan ito kaysa press release ng PR man ng isang congressman ng Manila, na baka raw lumala ang snatching ng cellphone para ibenta ang SIM cards sa mga sindikato.

Nakababaliw na ideya lang dahil madali namang ipaputol ang linya sa telcos kapag ninakaw ang cellphone mo at otomatikong puputulin ang linya at papalitan ang SIM card na may parehong numero naman. Hindi kasi nag-iisip, makasakay lang sa isyu.

Anyways, kailangang bilisan ng mga telco ang pagpuputol ng linya ng mga hindi rehistradong SIM cards. Baka kasi abutin sila ng siyam-siyam na naman at ikatuwiran na mahigit 62 million kasi ang dapat putulin kaya matatagalan. Hindi naman siguro mano-mano ang pagpuputol, ‘di ba?

Hangga’t may nairehistrong SIM cards na hawak ng mga scammer, hindi pa rin mawawala ang pang-i-scam ng mga iyan at dapat na ring itigil ang mga ads na ipinadadala ng kung sino-sinong advertisers dahil nakakaistorbo ng tulog.

572

Related posts

Leave a Comment