MAYAYAMANG KORPORASYON PINATUTULONG SA FLOOD MANAGEMENT

IGINIIT ni Senador Panfilo Lacson ang pangangailangan ng tulong ng pribadong sektor sa pagtugon sa problema ng pagbaha kasabay ng patuloy na pag-iimbestiga sa mga palpak at guni-guning flood control projects.

Sinabi ni Lacson na magandang pagkakataon ang alok ni San Miguel Corp. President Ramon Ang para linisin ang estero sa Metro Manila na hindi gagastos ang gobyerno.

Dapat anyang umapela na rin ang gobyerno sa corporate social responsibility ng ibang malaking kumpanya.

Nangako si Lacson na kung maganda ang maipapakita ng hakbang ng korporasyon ay isusulong niyang bawasan ang alokasyon sa Metro Manila flood management para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa susunod na taon.

Naibuking ni Lacson noong Hulyo na ang DPWH ay nagkaroon ng higit P2 trilyong alokasyon sa flood management mula 2011, ngunit hindi pa rin natugunan ang problema ng pagbaha.

Nais busisiin ng senador ang mga proyekto na pinondohan sa General Appropriations Act sa nakaraang taon at nalista na “completed” ngunit hindi pala nabuo – at pinondohan muli ang proyekto sa 2025 GAA.

Isa pa anyang modus operandi ang paggamit ng substandard na materyales at gawain na hindi sumusunod sa project specifications.

Isa pang lumalabas na isyu ay ang posibilidad na ang DPWH district engineer na may sariling construction company ang aarbor na mag-implementa sa proyekto sa ngalan ng contractor, at hindi makaangal ang contractor dahil baka hindi na aprubahan ang susunod niyang mga proyekto.

(DANG SAMSON-GARCIA)

44

Related posts

Leave a Comment