NANINDIGAN ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila na legal at alinsunod sa Saligang Batas ang Ordinansa Blg. 9151, at walang saysay ang paghahambing nito sa garbage fee ordinance ng Quezon City na pinawalang-bisa ng Korte Suprema.
Ayon kay City Legal Officer Atty. Luch Gempis Jr., magkaiba ang mga kalagayan at balangkas ng ordinansa ng Quezon City at ng regulasyong ipinatutupad ng Maynila.
Aminado si Gempis na ang desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng QC ay may kinalaman sa singil sa basura na ipinataw sa mga sambahayan at condominium units na may magkakaibang rate, kung saan ang nakolektang pondo ay inilalaan pa sa subsidized housing.
Sa kaso ng Maynila, iginiit ni Gempis na ang binagong bayad sa pagkolekta ng basura ay eksklusibong ipinapataw lamang sa mga establisimyento ng negosyo at itinuturing bilang regulatory fees—hindi buwis—alinsunod sa umiiral na jurisprudence na kumikilala sa bisa ng garbage fees na batay sa aktuwal na gastos.
Dagdag pa niya, ang Ordinansa Blg. 9151 ay simpleng pag-update lamang ng garbage collection fees na hindi nagalaw mula pa noong 2013, sa kabila ng malaking pagtaas ng basura mula sa commercial sources at pagtaas ng gastos sa paghakot at pagtatapon.
Kasama rin sa tumaas na gastos ang pagdadala ng basura ng Maynila sa New San Mateo Sanitary Landfill sa Rizal, alinsunod sa direktiba ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Para naman kay City Treasurer Atty. Paul Vega, layunin ng ordinansa na paliitin ang agwat sa pagitan ng nakokolektang garbage fees at ng aktuwal na halaga ng serbisyo sa waste collection.
Binigyang-diin niyang ang binagong bayarin ay ipinapataw lamang sa mga negosyong saklaw ng ordinansa.
Sinabi rin ni Bureau of Permits Director Levi Facundo na ang pagtatasa ng garbage fees ay awtomatikong ibinabatay sa iskedyul na itinakda sa Ordinansa Blg. 9151. Payo niya sa mga negosyong may katanungan na makipag-ugnayan sa mga kinauukulang tanggapan ng lungsod para sa malinaw na paliwanag.
(JOCELYN DOMENDEN)
68
