NASA 75 percent ng mga Pilipino ang pabor na makipagtulungan ang gobyerno sa Amerika kaugnay sa isyu sa West Philippine Sea.
Ito ang inihayag ni Senate President Juan Miguel ‘Migz’ Zubiri batay sa survey ng Pulse Asia na kung saan tinanong ang mga respondent kung pabor silang palakasin ang military ties sa US sa gitna ng isyu sa WPS.
Sa survey na isinagawa noong Hunyo, 75 percent ang nagsabing pabor sila dito habang 14 percent lamang ang tutol.
“Ibig kong sabihin nagagalit na po ang ating mga kababayan sa China. Nagagalit na sila. Kung hindi po sila galit sa China dapat mas maliit po yung porsyento na binasa ko po sa inyo. They are sick and tired talagang sawang-sawa na po sila sa pagpasok ng China dito sa ating bansa, lalo na sa mga incursions dito sa Reed bank na napakalapit po sa El Nido, sa Coron, napakalapit po nyan,” saad ni Zubiri.
Kasabay nito, tiniyak ni Zubiri na tatalakayin na nila sa pagbabalik ng sesyon ang resolution ni Senator Risa Hontiveros na nananawagan sa gobyerno na iakyat na sa United Nations General Assembly ang patuloy na pambabalewala ng China sa The Hague ruling na kumikilala sa exclusive economic zone ng Pilipinas sa WPS.
“We should present to the UN the repeated incursions and violations of China against the Hague Arbitral ruling on the West Philippine Sea. We should show the video and photographic evidence of their creeping invasion towards our country and our neighbors with their continuous reclamation of territory within our Exclusive Economic Zone and areas that are considered International waters that hamper the freedom of navigation,” giit ni Zubiri.
(DANG SAMSON-GARCIA)
