PUNA ni JOEL O. AMONGO
MAAARING maharap sa imbestigasyon ang Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil umano sa maanomalyang mga transaksyon nito.
Isa na rito ay ang pagpapalabas ng P1.7 billion mula sa kaban ng BARMM sa loob lamang ng isang araw, para sa Learner’s Kits at Teacher’s Kits noong Marso 7, 2025.
Ayon sa insiders sa MBHTE, pinaiimbestigahan nila sa Office of the President at Commission on Audit ang testimonya ng ilang testigo na nagpahayag ng kanilang nalalaman sa mga kwestionableng pagpapalabas ng pera para sa ilang programa ng ministry.
Hindi umano dumaan ang transaksyon sa Finance Division chief para sa rebyu at lagda ng hepe nito, ayon sa standard procedures at bilang pagtugon na rin sa mga tuntunin at polisiya ng pamahalaan.
Ang MBHTE, na pinamumunuan ni Minister Mohagher Mohammad Iqbal, ay may pinakamalaking budget na P36 billion na halos one-third ng kabuuang budget ng rehiyon.
Matagal nang nahaharap sa isyu ng korupsyon ang MBHTE, lalo sa alegasyon na ibinebenta ang naturang Teacher’s Kits sa mismong mga guro.
Nakialam din umano ang kanyang pamangkin na si Apsi Abas, na kilala sa MBHTE sa bansag na “Boss A”, sa pagpapahinto ng training program na nakalaan sa mga guro dahil lamang hindi napili ang gusto niyang hotels bilang venues noong 2022.
Naniningil umano ang mga hotel na nabigyan ng kontrata dahil sa hindi natuloy na training at nagbantang magdedemanda sa MBHTE.
Kawawa naman ang mga guro, sila ang napeperwisyo sa kalokohan ng iba.
‘Araw ng Kalayaan’ pa man din ngayon, June 12, sana nakalaya na tayo sa korupsyon at iba pang kaapihan nating mga Pilipino.
May mga nagsasabi na malaya na tayo sa pananakop ng mga dayuhan, pero heto mismo tayong mga Pilipino ay inaapi natin ang ating mga kababayan.
Imbes na tulungan natin ang mga guro para gumanda ang kalidad ng kanilang pagtuturo sa mga mag-aaral ay ginigisa pa natin sila sa sarili nilang mga mantika.
Bakit kailangan pang ibenta sa kanila ang Teacher’s Kit? Hindi na lang ibigay sa kanila nang libre. Hay Naku! Ganun na ba kakorap ang mga opisyal ng gobyerno natin ngayon?
Sa PUNA, hindi natin palalagpasin ang mga kaapihan ng mga guro, sila ang mga empleyado ng gobyerno na may pinakamaraming trabaho.
Nalalagay pa sa panganib ang kanilang buhay tuwing eleksyon, maawa naman kayo!
