“WALA nang makapang-aabuso sa mga manggagawa sa media kapag naging ganap nang batas ang Media Workers Welfare Bill.”
Ito ang tiniyak ni ACT-CIS Party-list Rep. Nina Taduran matapos pagtibayin sa ikatlo at huling pagbasa ang kanyang House Bill (HB) 8140 o Media Workers Welfare Act sa botong 218 pabor at walang tumutol.
Ang pagbibigay aniya ng kapangyarihan at proteksyon sa mga miyembro ng Ika-apat na Estado ay mas makapagpapahusay sa pagbibigay ng katotohanan at impormasyon ng mga nasa media.
“Tapos na ang panahong walang kasiguruhan ang isang taga-media sa kanyang trabaho. Hindi na rin puwedeng abusuhin ang kanyang kakayahan at karapatan. Hindi na rin siya puwedeng takutin na tatanggalin kahit anong oras,” ayon sa dating mamamahayag.
Hindi na rin umano ipauubaya sa kapalaran ang buhay ng isang mediaman dahil bibigyan ito ng proteksyon sa laban. Magkakaroon ng tamang gamit, mababayaran nang tama, at may insurance para sa kanyang delikadong trabaho,
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng mga manggagawa sa media ay bibigyan ng suweldong naaayon sa batas, magkakaroon ng ‘security of tenure’ o hindi basta tatanggalin sa trabaho, makakukuha ng ‘overtime and hazard pay,’ gayundin ng insurance at iba pang benepisyo.
Base sa nasabing panukala, bukod sa tamang suweldo ay bibigyan ng dagdag na P500 kada araw ang isang mamamahayag na nagko-cover sa mga mapanganib na assignment at P200,000 insurance coverage.
Umaasa si Taduran na agad ipapasa ng Senado ang kanilang hiwalay na bersyon sa nasabing panukala upang maging batas ito sa lalong madaling panahon para magkaroon ng sapat na proteksyon ang lahat ng mamamahayag sa bansa.
“Marami pa rin kasi sa industriya ng media ang underpaid at kinokontrata lang ang serbisyo. Wala silang mga benefits at nanganganib na matanggal kahit anong oras. Kapag lumalabas at magko-cover, wala man lang sapat na gamit para sa proteksyon. This bill will be their shield,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
