UMAPELA ang isang senador kay Pangulong Rodrigo Duterte na lagdaan na ang Medical Scholarship Bill bago tuluyang maipasa ang 2021 national budget.
Sinabi ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na mahalaga ang nasabing panukala kung kaya’t habang inuusisa ng mga senador ang national budget ay maaaring paglaanan ito ng kaukulang pondo.
Iminungkahi rin ni Recto na ang scholarships ay ipangalan kay dating Department of Health (DOH) Sec. Juan Flavier, ang doktor ng barrio na nagtulak para sa programang Doktor to the Barrios.
“But before we attach his great name to a great program, let us first make sure that the law’s maiden year of implementation is not marked by a budget cut,” sabi ni Recto.
Tinukoy ng senador ang panukala ng Malacañang na ibahin ang P167 milyong financial subsidy sa 1,789 na medical scholars sa P83.5 milyon sa susunod na taon, ang halagang ipinanukala ng Commission on Higher Education (CHED) sa 2021 pambansang badyet.
Sinabi pa ni Recto na mas masahol pa, ayon sa CHED, ang P167 milyon na pondo sa pananalapi sa taong ito sa mga medical students sa walong unibersidad ng estado ay na-impound para magamit kalaunan.
Kabilang dito ang Bicol University, Cagayan State University, Mariano Marcos State University, Mindanao State University, University of Northern Philippines, UP Manila College of Medicine, UP Manila School of Health Sciences, at Western Visayas State University.
“So more or less, the CHED and DOH tracks have a combined 3,000 beneficiaries. Dagdagan pa natin ito by including financially-challenged but academically excelling medicine students in private schools,” aniya. (NOEL ABUEL)
172
