MENTAL HEALTH CRISIS NAIS PAIMBESTIGAHAN NI VILLAR

NAGPASA si Senadora Camille Villar ng isang resolusyon na nananawagan sa Senado na imbestigahan ang lumalalang kalagayan ng mental health sa bansa, kasabay ng panawagan na palakasin ang pagpapatupad ng umiiral na mga batas at gawing mas abot-kamay ang serbisyong pangkalusugang pangkaisipan para sa mga nangangailangan.

Sa pamamagitan ng Proposed Senate Resolution No. 99, hiniling ni Villar na magkaroon ng inquiry in aid of legislation upang pagtibayin ang ugnayan ng mga kaukulang ahensya, tukuyin ang mga kakulangan sa kasalukuyang mga programa sa mental health, palawakin ang abot-kayang serbisyong nakabatay sa komunidad, at itaguyod ang kabuuang partisipasyon ng lipunan sa pagpigil, pagpapalaganap ng kamalayan, at proseso ng paggaling.

Batay sa datos ng pamahalaan, binigyang-diin ni Villar na halos 2,000 Pilipino ang namatay dahil sa suicide sa unang kalahati ng 2025, habang 3.6 milyong Pilipino naman ang namumuhay na may mental, neurological, o substance use disorders. Ayon sa senadora, malinaw na ipinapakita ng mga bilang na ito ang agarang pangangailangan para sa isang koordinadong pambansang aksyon.

Bagaman mayroon nang mga batas gaya ng Mental Health Act of 2018 at Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, binigyang-diin ni Villar na mahina pa rin ang implementasyon at kulang sa pondo at resources kaya’t hindi pa nararamdaman ang buong benepisyo ng mga ito.

Bilang matagal nang tagapagtaguyod ng kalusugan at kapakanang panlipunan, inihain din ni Villar ang Comprehensive Mental Health Benefit Act (SBN 328) na layuning palawakin ang coverage ng PhilHealth para sa psychiatric at psychological services.

(Danny Bacolod)

22

Related posts

Leave a Comment