NANGAKO ang electric power firm na Manila Electric Company (MERALCO), na hindi muna sila magpuputol ng serbisyo ng kuryente, sa likod na rin ng kaliwa’t kanang reklamo laban sa kanilang singil na doble o higit umano ang naging patong.
Sa panayam ng radyo DZBB, sinabi ni Meralco spokesman Joe Zaldarriaga na nakikinig naman sila sa mga consumer.
“We hear the feedback loud and clear. Kami naman, we are very cognizant of the issues that are currently being hurled against us at nakikinig kami,” sinabi nito.
Sinabi rin ni Zaldarriaga na hindi nila dinagdagan ang singgil sa kuryente.
Pero sa kabila nito, nanawagan si good governance advocate at dating hepe ng Presidential Anti-Graft Commission Atty. Nicasio Conti sa Meralco, na unahin at intindihin ang kapakanan ng taumbayan, sabay hirit na ‘minimum’ na lang muna ang ibayad sa bill sa kuryente, lalo na’t kababalik lang ng karamihan sa trabaho.
Sinabi pa ni Conti na hindi rin lahat ay 100 porsyento na balik-trabaho, o hindi kaya ay hindi naman kumpleto ang araw ng pasok, kaya’t bawas din ang sweldo.
Sa ilalim ng panukala ni Conti, ‘minimum’ muna ang pabayaran sa Marso, Abril at Mayo na mga bill ng kuryente.
“Ang reading ng Mayo ay babawasan ng reading ng metro bago mag-ECQ para malaman ang konsumo sa 3 buwan. Pagkatapos ay babawasan ang napabayad na minimum at saka na lang magkaroon ng adjustment at installment payment sa buwan ng Hunyo para doon sa above minimum na konsumo,” paliwanag ni Conti. KIKO CUETO
