100 CATCH BASIN ILALATAG NG QC LGU KONTRA BAHA — DRRMMO

PARA labanan ang baha, aabot sa 100 catch basin ang ilalagay ng Quezon City government sa iba’t ibang binabahang lugar sa lungsod upang maiwasan ang pagbaha sa panahon na may nararanasang bagyo ang bansa, partikular na ang Metro Manila.

Sa ginanap na QC Journalist Forum, sinabi ni Peachy de Leon spokesperson ng Department of Risk Reduction Management Office (DRMMO) ng Quezon City, nasa planning stage na sila ngayon sa pagsasagawa ng drainage masterplan kasama ang mga barangay, homeowners association at iba pang stakeholders upang matiyak na mareresolba nito ang mga problema sa pagbaha sa QC.

Sinabi pa nito na singlaki ng basketball court ang isang catch basin na ilalagay malapit sa mga creek upang matiyak na maayos ang daloy ng tubig baha patungong mga ilog .

Aniya, unang lalagyan ng catch basin ang barangay na malapit sa creek na laging binabaha kung tag-ulan tulad ng barangay Masambong, Bahay Toro, Sto Cristo, Holy Spirit, Commonwealth at Loyola .

Nabatid pa kay De Leon na may P50 milyon ang halaga ng isang catch basin na popondohan ng gobyerno at LGU.

Idinagdag pa nito na handa rin aniya ang mga silid aralan ng QC public school, mga malls, QC universities, bukod sa mga barangay covered court, para maging evacuation center ng mga masasalanta ng bagyo.

Kaugnay nito, sinabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao na nakahanda naman ang ahensiya para tulungan ang mga LGUs sa kanilang pangangailangan sa panahon ng kalamidad.

Aniya may 1.2 milyong family food packs ang nailaan ng ahensiya para sa mga maaapektuhan ng kalamidad tulad ng bagyo, ayon pa kay Dumlao. (PAOLO SANTOS)

45

Related posts

Leave a Comment