2 CHINESE NASAGIP SA ILLEGAL DETENTION

NASAGIP ng Makati City Police sa rescue operation ang dalawang Chinese national mula sa illegal detention ng kanilang dalawang kababayan sa Barangay San Lorenzo alas-11:00 ng umaga noong Lunes.

Ang rescue operations ay ikinasa ng mga pulis-Makati, sa pamumuno ni P/Maj. Gideon Ines, para sa biktimang si Xu Yan, 26-anyos, base sa sumbong ng Filipina girlfriend nito na kinilalang si Marissa Guillermo, 24-anyos.

Ayon kay Guillermo, simula pa noong Marso 15 ng taong kasalukuyan ay hindi na pinalabas ng mga suspek ang kanyang boyfriend sa isang unit sa #3820 Kroma Tower, Dela Rosa Access Road, Legazpi Village, Brgy. San Lorenzo, Makati City.

Sa tulong ni Steven Francis Basa, property manager ng Kroma Tower condominium, pinuntahan ng mga pulis ang Unit 3820 at nailigtas si Xu kasama ang isa pang Chinese national na si Guoting Wang, 31-anyos, kapwa Human Resources staff sa hindi binanggit na kumpanya.

Agad namang inaresto ang dinatnang mga suspek na sina Wen Guangyuan, 26-anyos, at Li Bing, 24-anyos.

Sa imbestigasyon ng mga pulis, lumitaw na ang pagkukulong kay Xu ng dalawang kababayan na sina Wen at Li ay dahil sa hindi nabayarang utang.

Inihahanda na ang kaukulang reklamo laban sa dalawang suspek sa kasong illegal detention. (DAVE MEDINA)

75

Related posts

Leave a Comment