SWAK sa selda ng Manila Police District-Sta. Ana Police Station 6, ang apat na sabungero makaraang maaktuhan sa isinasagawang tupada sa San Andres Bukid, Manila noong Linggo ng hapon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Degree 1602 (illegal gambling) ang mga arestado na sina Noel Osano, 60; Joel Baladad, 36; Michael Malasig, 43, at Cezar Pacanza Jr., 48, pawang residente ng San Andres Bukid.
Batay sa ulat ng pulisya, bandang alas-12:10 ng hapon, isang tawag ang natanggap ng desk officer ng nasabing himpilan ng pulisya, hinggil sa nangyayaring tupada sa panulukan ng Dagonoy at Iridium streets sakop ng Brgy. 774, Zone 84 sa San Andres Bukid.
Bunsod nito, agad nagresponde ang mga awtoridad, sa pangunguna nina P/Lt. Reagan Ammen, P/Cpl. Glenn Casiangen at Jovan Alonzo, punong barangay, ngunit nagpulasan ang mga sabungero kaya apat lamang sa mga ito ang nahuli. (RENE CRISOSTOMO)
