ISANG disaster-prone country ang bansa dahil sa lokasyon nito sa Pacific Ring of Fire at Typhoon Belt kaya, madalas na nakararanas ng sama ng panahon at mga bagyo.
Kasunod ng anunsyo ng PAGASA tungkol sa nalalapit na tag-ulan at banta ng La Niña, ang Office of Civil Defense (OCD) ay nananawagan sa sambayanan para sa mas pinalakas na kahandaan at kolektibong pagkilos.
Ayon kay Civil Defense Administrator, Undersecretary Ariel Nepomuceno, hindi na bago ang mga pag-uulan dahil madalas itong nararanasan ng bansa taon-taon kung kaya’t ang mga protocol, mekanismo at mga plano ay nakalatag na para rito.
Subalit magkagayunman, binigyang diin ni USEC Nepomuceno ng OCD, ang operating arm ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang kahalagahan ng patuloy na pagpapabuti ng mga aksyon at pagtutulungan ng lahat para sa kahandaan.
Sinabi pa ni Nepomuceno, maraming kaakibat na panganib ang pag-ulan gaya ng malakas na hangin na maaaring makapinsala sa mga kabahayan, pananim at iba pa; mga pagbaha, at maging ang pagguho ng lupa o landslide.
Maigting ang panawagan ng OCD, paalala at koordinasyon sa tanggapan ng mga ahensya at lokal na pamahalaan, mga katuwang, at sa buong sambayanan na siguraduhin ang karampatang paghahanda na isinasagawa para sa kaligtasan ng lahat.
Aniya, ang pagtalima o pagsunod sa mga polisiya, babala, at panuntunan ay mahalaga, lalo na at nalalapit na ang pag-iral ng La Niña sa bansa. (JESSE KABEL RUIZ)
291