MISTULANG estudyanteng nilektyuran ng mga beteranong mambabatas sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kinatawan ng Duterte Youth party-list na si Drixie Mae Cardema matapos palabasin na sila umano ang nagmamahal sa bayan.
Sa kanyang binasang manifestation, mistulang kinuwestiyon ni Cardema ang Quad Committee dahil tanging ang mga namatay sa war on drugs lamang umano ang kinokondena ng mga ito samantalang hindi pinapansin ang mga pinatay ng mga drug addict at mga komunistang grupo.
“Ang kinokondena n’yo ngayon ay ang dalawang most trusted leaders na todo effort na protektahan ang milyong-milyong mga Pilipino,” ang tila kinakabahang pagbabasa ni Cardema sa kanyang manifestation.
Nang matapos magbasa si Cardema, sinita ito ni Antipolo Rep. Romeo Acop dahil ipinakikita lamang umano nito ang kanyang pagiging ignorante sa kanyang trabaho bilang kinatawan ng Duterte Youth party-list.
“The statement of my colleague betrays her ignorant. Kung gusto po niya magpaimbestiga mag-file siya ng resolusyon and maybe referred to a appropriate committee to be fair with her,” ani Acop habang nakatingin kay Cardema.
“She’s a congressman she knows the rule. However, your statements betrays your ignorant of our rules here in the House of Congress. So I beg to disagree Mr. chair na sila lang ang nakikipaglaban at marunong makipaglaban sa kalaban. As I’ve said before I’ve given the most part of my life fighting the enemy of this country,” ani Acop na dating heneral ng Philippine National Police (PNP) na nakatitig pa rin kay Cardema.
Inayunan naman ni Quad Comm chair Robert Ace Barbers si Acop kung saan pinayuhan si Cardema na dumalo sa mga ganitong uri ng pagdinig at huwag palabasin ang grupo ng party-list solon lang ang nagmamahal sa bayan.
“Mag-attend kayo ng hearing. Hindi yung aattend lang kayo pag andito lang ang dating pangulo at ang bise presidente. This committee makes announcement of all its hearing. And from here on, we want to expect, want to see you in our hearing and please submit to the committee secretary all you want to invite,” ani Barbers kay Cardema.
“Gusto ko lang sabihin na walang monopolyo sa pagmamahal sa bayan. Hindi kayo hindi kami. Pare-parehas tayong nagmamahal sa bayan. Pare-pareho tayong nagseserbisyo eh, huwag n’yong sabihin na mas magaling kayo dahil kami hindi naman sasabihin na magaling kami. Pero kung pagmamahal sa bayan, pare-parehas tayo. Huwag nyong sosolohin yan,” ani Barbers kay Cardema.
Binalaan din ni Barbers ang kapatid ni Cardema na si dating National Youth Commission chairman Ronald Cardema matapos nitong komprontahin ang resource person ng komite na si dating Bayan Muna party-list Rep. Neri Colmenares.
“Please be reminded Mr. Cardema, hindi niyo po pwedeng i-taunt, palakpakan, o insultuhin kahit sino. The next time na gawin mo ‘yan, baka ikaw ang magsisi,” ani Barbers sa matandang Cardema na hindi kabilang sa mga inimbitahan ng komite subalit dumalo para suportahan ang dating pangulo. (BERNARD TAGUINOD)
82