DELIVERY RIDERS SAKOP NG LABOR LAW

PINAGTIBAY na ang Labor Code of the Philippines sa mga food delivery rider kung mapatutunayan na may umiiral na ’employer-employee relationship’ sa digital platform company na kanilang pinapasukan.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello lll, ang advisory ay bilang gabay sa pagtukoy sa ugnayan ng riders at ng digital platform company at kung mapatutunayan na direktang empleyado ng isang digital platform ang isang rider, may karapatan sila sa mga benepisyo na nasa ilalim ng Labor law.

Ngunit para sa mga ‘independent contractors’ o mas kilala sa tawag na ‘freelancers’, sasakupin sila ng kanilang pinirmahang kontrata o kasunduan kabilang na ang uri ng pasuweldo at benepisyo.

Mapatutunayan na may ’employer-employee relationship’ sa pamamagitan ng pag-analisa kung paano tinanggap ang isang empleyado, pagbabayad ng suweldo, ‘power of dismissal’ at kapangyarihan sa pagkontrol sa gawi ng empleyado.

Kung mapatutunayan na empleyado ang isang delivery rider, may karapatan sila na mabigyan ng minimum na suweldo, holiday pay, premium pay, night shift differential, leaves, 13th month pay, separation pay, at retirement pay. May karapatan din sila na mabigyan ng SSS accounts, PhilHealth at Pag-IBIG at iba pang benepisyo.

Kamakailan, isang grupo ng delivery riders ang nagprotesta laban sa hindi umano makatarungang trato sa kanila ng pinapasukang delivery company. (RENE CRISOSTOMO)

186

Related posts

Leave a Comment