UPANG patunayan na hindi umano naduduwag ang Kamara, partikular na ang Quad Committee, kay dating pangulong Rodrigo Duterte, itinuloy ng mga ito ang ika-11 imbestigasyon kahapon sa extra-judicial killings (EJK).
Kapansin-pansin na hindi nagmura si dating pangulong Rodrigo Duterte taliwas noong humarap ito sa hiwalay na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon committee sa kahalintulad na usapin.
Sa panayam kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lead chair ng nasabing komite, bago nagsimula ang pagdinig, nagpasya ang mga ito na ituloy ang imbestigasyon na una nilang kinansela dahil sa impormasyon na pupunta pa rin ang dating pangulo.
“Dahil may information na nakarating sa amin na siya ay pupunta siya at dadalo sa aming pagdinig, gusto lang naming i-take advantage ang pagkakataon na nandito siya dahil matagal na rin siyang hihintay. Minsanan lang ito at hindi tayo sure kung kailan ulit makararating ang dating pangulo,” ani Barbers.
Subalit higit sa lahat aniya, nais patunayan umano ng mga ito na hindi naduduwag ang mga ito tulad ng ipinakalat sa social media kaya kinansela nila ang pagdinig dahil alam nilang dadalo si Duterte.
“Alam niyo yung sinasabi na kami ay naduduwag, hindi ko alam kung saan galing yun. Gayunpaman, wala hong naduduwag dito. Tayo ay mga civil na mga tao, may pinag-aralan hindi po dapat humantong sa bastusan,” ani Barbers.
Tulad ng inaasahan, dumalo si Duterte kasama ang kanyang mga abogadong sina dating Labor Secretary Silvestre Bello III, dating presidential legal counsel Salvador Panelo at dating Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chair Martin Delgra III.
Bago ang pagdinig, pinaalalahanan ni Barbers si Duterte at iba pang mga resource person na huwag magbitiw ng mga masasamang salita bagay na sinunod ng dating pangulo kaya hindi ito nakapagmura.
Mga ‘Nabudol’
Purdoy Na
Naghihirap na umano ang mahigit 1,000 pulis na kinasuhan dahil sa pagpapatupad ng war on drugs dahil tuluyang pinabayaan ang mga ito ni dating pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang kinumpirma ni Quad Committee lead-chair Robert Ace Barbers kaya humihingi na umano ang mga ito ng tulong dahil maging sa Public Safety Savings and Loan Association, Inc (PSSLAI) ay nababaon na ang mga ito sa utang.
“Nangangailangan po sila ng abogado. In fact, yung iba ay napipilitan pong mangutang sa … PSSLAI (Public Safety Savings and Loan Association, Inc.) para lang makapagbayad ng abogado na makatutulong sa kanilang pagharap dito sa korte dahil nga po sila ay nahaharap sa mga kaso,” ani Barbers.
“Isa lang ho ang kanilang sinasabi na nasaan daw iyung pangako sa kanila na tutulungan sila sa mga kaso at kung ma-convict sila,” dagdag ng mambabatas na naniniwalang hindi na mabibigyan ng presidential pardon ang mga masesentensyahan dahil hindi na pangulo si Duterte.
Ayon naman kay House committee on public order and safety chair Rep. Dan Fernandez, maging ang pamilya ng mga pulis na napatay sa war on drugs ay wala umanong natatanggap na tulong kay Duterte.
Nabatid na 1,286 pulis umano ang nabudol umano ni Duterte kung saan 214 dito ay may kinakaharap na administrative at criminal cases habang 195 na ang sinibak sa serbisyo at 398 ang nakatakdang tanggalin sa trabaho samantalang 20 na ang bilang ng mga opisyales ang nakakulong na. (BERNARD TAGUINOD)
36