NAGPAHIWATIG na si Presidential spokesperson Harry Roque na hindi lahat ng lugar sa Metro Manila ay mananatili sa enhanced community quarantine (ECQ) sa May 16.
“Hindi mananatili sa ECQ ang buong Metro Manila after May 16. Hindi rin naman magiging GCQ. It will be granular, it will be surgical,” ayon kay Sec. Roque sa Laging Handa press briefing.
Ang ibig sabihin aniya nito ay may ilang lungsod sa National Capital Region ang mananatili sa ilalim ng ECQ habang ang ibang lungsod naman ay ibababa na sa GCQ.
Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay bunsod ng paghahanda ng Manila Council na pormal na hilingin sa IATF na palawigin ng panibagong 15-day ang ECQ sa Metro Manila.
Nauna rito, sinabi ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya na maaaring ikonsidera ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang rekomendasyon na ito ng Metro Manila mayors.
Ani Sec. Roque, wala pang pinal na desisyon sa kung ano ang mangyayari matapos mag-expire ang ECQ sa May 15.
“Sa Lunes po magkakaron ng approval ang ating Presidente kung anong mangyayari sa atin ng May 15,” aniya pa rin.
Ani Sec. Roque, ang magiging desisyon ay ibabatay sa “relevant data available.”
“‘Yan po ay ibabase natin sa siyensiya titignan ang dami ng kaso ng COVID sa isang siyudad, sa isang barangay at titignan natin ang kapasidad na magbigay ng critical care,” aniya pa rin.
Samantala, inulit ni Sec. Roque ang naunang pahayag ni Interior Secretary Eduardo Año na may ilang lugar sa Metro Manila ang maaaring ilagay sa general community quarantine para sa kapakanan ng ekonomiya ng bansa.
Ang ECQ ay unang idineklara noong Marso 17 para sa buong Luzon. Pinalawig sa ilang lugar kabilang na ang Metro Manila, ng dalawang beses at ang huling ekstensyon ay magtatapos sa May 15. CHRISTIAN DALE
