EX-LUCENA POLICE CHIEF IPINAKULONG SA KAMARA

IPINAKULONG ng mga kongresista ang dating hepe ng Lucena City Police na si Lt. Col. Reynaldo Reyes dahil sa hindi pagsasabi ng katotohanan hinggil sa pagsalakay umano ng kanyang mga tauhan sa bahay ng resource person ng House Committee on Public Order and Safety.

Sa mosyon ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano, na-contempt si Reyes dahil sa paglabag umano sa Section 11 ng House Rules o “refusal to truthfully answer relevant queries by the committee members”.

Ang komite ay nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa karahasan at mga kabalbalan umano sa nakaraang Barangay at Sangguniang Kabataang election noong Oktubre 2023, base sa resolusyong inihain nina Basilan Rep. Mujiv Hataman at Quezon Rep. David Suarez.

Noong Mayo 22, unang nagsagawa ng imbestigasyon ang komite na pinamumunuan ni Sta. Rosa Laguna Rep. Dan Fernandez, kung saan isa sa mga resource person ay ang 52-taong gulang na si Renelyn Rianzales.

Dalawang araw matapos humarap sa komite si Rianzales ay pinasok umano ang kanyang bahay ng 8 naka-maskara at armado ng matataas na kalibre ng baril habang siya at kasamang dalawang apo ay natutulog pasado alas-tres ng madaling araw noong Mayo 24, at hinanap umano ng mga ito ang isang “Jonathan”.

Lumalabas na pawang mga miyembro umano ng Intelligence Office ng Lucena City PNP ang pumasok sa bahay ni Rianzales na pinaniniwalaan ni Suarez ay nais itong patahimikin dahil bago ito ay nakaranas din umano ang biktima ng harassment habang nangangampanya noong nakaraang taon.

“Isipin niyo nag-witness dito May 22, two days later nilooban ang bahay. Anong paliwanag natin doon. Ating napag-alaman na mga active police ng Lucena ang mga ito, Mr. Chair. Gaya ng dati, klaro ang mensahe nito. Masasamang loob ng hoodlum,” ayon kay Suarez. (BERNARD TAGUINOD)

93

Related posts

Leave a Comment