(Ni: NELSON S. BADILLA)
SI Lt. Gen. Camilo Prancatius Cascolan ba ang dapat managot sa Quezon City – Regional Trial Court (QC-RTC) hinggil sa pagpapalaya kay Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog noong Nobyembre 2018 nang walang pahintulot ang korte?
Biglang naging mainit na paksa sa Camp Crame ang posibleng papel ni Cascolan sa anomalya hinggil sa pagpapalabas kay Parojinog noong Nobyembre 12, 2018 mula sa Philippine National Police-Custodial Center (PNP-CC) sa Camp Crame dahil si Cascolan ay The Chief Directorial Staff (TCDS) ng pambansang pulisya sa nasabing petsa.
Ayon kay PNP Officer-In-Charge Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa, walang kapangyarihan ang warden ng PNP-CC sa pagpapalabas ng bilanggo rito patungong ibang kulungan o PNP Hospital.
Idiniin ni Gamboa sa press briefing kamakailan na ang TCDS ang mayroong kapangyarihan sa PNP-CC, ngunit, ayon sa heneral, kailangan ang pahintulot ng korte sa pagpapalabas sa bawat bilanggo.
Ang TCDS ang ikaapat na pinakamataas na opisyal sa PNP na pinamumunuan ngayon ni Lt. Gen. Guillermo Lo-renzo Eleazar.
Batay sa isang mosyon ng prosekusyon noong Disyembre, 2019, noon pang Nobyembre 12, 2018 pinalabas ng PNP-CC si Parojinog kung saan dinalaw ang kanyang kapatid na si Reynaldo Parojinog Jr.
Ngunit, nakarating lamang ang impormasyon kay QC-RTC Branch 228 Judge Mitushealla Manzanero-Casiño ang anomalya nitong Disyembre 2019 din.
Kaya, inatasan ni Judge Casiño ang warden ng PNP-CC at mga abogado ni Nova Parojinog na ipaliwanag sa korte kung bakit pinalabas ng kulungan ang nasabing bilanggo nang walang pahintulot na nanggaling sa kanya.
Sabi ni Gamboa, noong siya ang TCDS ay walang nakalalabas na bilanggo nang walang utos ang korte.
Si Cascolan ang pumalit kay Gamboa bilang TCDS nang maging hepe ang huli ng PNP for operations.
Tiniyak ni Gamboa sa nasabing press conference na “hindi puwedeng discretion ng custodial officers ang pagpapalabas kay Ozamiz City Vice Mayor Nova Princess Parojinog, so we will investigate on that.”
Hindi, diretsahang binanggit ni Gamboa ang pangalan ni Cascolan.
Ngunit, malinaw sa rekord ng PNP na si Cascolan ang TCDS noong Nobyembre 12, 2018, kaya si Cascolan ang inaasahang pinaiimbestigahan ni Gamboa.
Si Cascolan na siyang hepe ngayon ng PNP for operations ay umaasang magiging PNP chief dahil bahagi siya ng Philippine Military Academy (PMA) Class 1986.
Ang PMA class 1986 ang pinanggalingan nina OIC Gamboa, General Oscar Albayalde at General Ronald dela Rosa.
Nagbitiw si Albayalde sa pagiging PNP chief noong Oktubre 14 dahil sa napakatinding anomalya ukol sa operasyon laban sa ilegal na droga noong Nobyembre 2013 sa Mexico, Pampanga kung saan siya ang hepe ng PNP-Pampanga sa nasabing taon.
Si Dela Rosa ang nagrekomenda kay Albayalde na pumalit sa kanya sa posisyon.
Senador na ngayon si Dela Rosa.
Si Nova Parojinog ay may mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag din sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Parehas din ang kaso ni Reynaldo Jr. kay Nova, bukod pa sa pagtangan ng pampasabog.
Ang magkapatid ay nadakip noong Hulyo 2017 nang salakayin ng pulisya ang kanilang bahay sa Ozamiz City kung saan napatay ang kanilang amang si Reynaldo Parojinog Sr. at labing-apat pa nilang tauhan.
360