GUSTONG PUMUTI PATAY SA GLUTA

NAMATAY ang isang 33-anyos na babaeng gustong pumuti makaraang turukan ng beauty enhancer na “Glutathion” at Ascorbic Acid Vitarex-C, sa Sampaloc, Manila dakong 3:00 ng hapon nitong Lunes.

Kinilala ang biktimang  si Shyrill Gee Distor y Empas, empleyado at residente ng 1091 Crisostomo St., Sampaloc.

Base sa ulat ni Det. Allan Lingcong na isinumite kay P/Capt. Henry Navarro, hepe ng Manila Police District-Homicide Section, nangyari ang insidente dakong 3:00 ng hapon noong Pebrero 3 sa Glutaholics Spa sa #1434 Prudencio St. kanto ng  Maria Clara St., Sampaloc, Manila.

Ayon sa imbestigasyon, kusang nagtungo ang biktima sa nasabing beauty spa para mabigyan siya ng Glutathione dose na itinurok ng nurse na kinilalang si Jillian Dizon.

Sa report ni Lingcong, sinabi ni Dizon,  matapos turukan ng isang  vial ng Aqua Skin Diamond-Pro Ultra White F-40 na gawa ng Skinnic Laboratories, at isang ampule ng Ascorbic Acid Vitarex-C na gawa ng Grand Pharmaceutical Company, ay nawalan ng malay ang biktima.

Isinugod ang biktima sa UST Hospital  ngunit alas-11:13 ng gabi ng araw ding iyon ay idineklarang patay ang biktima ni Dr. Heart Yao, attending physician.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang hinihintay ang autopsy result at toxicology examinations sa labi ni Distor. (RENE CRISOSTOMO)

372

Related posts

Leave a Comment