SUMISIGAW ng hustisya ang pamilya ng stewardess na natagpuang patay sa City Garden Hotel sa Makati City noong Bagong Taon.
Nagdududa ang pamilya ng namatay na stewardess na si Christine Angelica Dacera, 23-anyos, ng VS Subdivision, Barangay San Isidro, General Santos City, na mayroong foul play sa pagkamatay ng dalaga base sa nakitang mga pasa at sugat sa binti at hita nito.
Isang source na hindi nagpabanggit ng pangalan, ang nagsabing posibleng may kaugnayan sa ilegal na droga ang pangyayari kaya ang pamilya Dacera ay kumbinsidong pinatay ang kanilang anak.
Sa CCTV footage ng hotel, bandang alas-6:00 ng umaga ng Enero 1, nakita ang dalawang lalaki na bitbit si Dacera mula sa Room 2207 papunta ng Room 2209.
Sa inisyal na ulat ng Makati City Police, tinukoy na isang lalaking nagngangalang John Dela Cerna ang tumawag sa security management ng hotel upang magpatulong.
Nauna rito, si Dacera ay natagpuan umanong nakahiga sa bathtub ng inupahang Room 2209 ng City Garden Hotel sa kanto ng Makati Avenue at Kalayaan Avenue, Brgy. Poblacion, ng kaibigang si Rommel Galida, bandang alas-12:30 ng tanghali noong Enero 1.
Makailang beses umanong sinubukan ni Galida na gisingin si Dacera ngunit hindi tuminag ang dalaga kaya tinawagan niya ang mga kaibigang sina Gregorio Angelo de Guzman at John Dela Cerna na mabilis tumawag sa hotel security management na nagsugod kay Dacera sa clinic.
Ang chief security ng hotel na si Peter Paul Ponongcos ay nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) kay Dacera ngunit hindi pa rin gumalaw ang biktima at nang pulsuhan ay wala nang tibok at tila wala nang buhay.
Hiniling ng pamilya Dacera sa pulisya na magsagawa ng mas malalim na imbestigasyon sa kaso ng biktima. (DAVE MEDINA)
