PINAGBITIW ng Chief of Staff (COS) ng Department of Education (DepEd) ang isang undersecretary ng ahensya dahil umano sa paggiit na sundin ang batas sa pagbili ng mga laptop sa computerization program ng ahensya.
Sa kanyang pagharap sa House committee on good government and public accountability, sinabi ni Gloria Jumamil Mercado, Usec for Human Resources and Organization and Development at Head of Procuring Entity (“HoPE”), na sinabihan siya ni Usec. Zuleika Lopez, ng OVP at chief of staff ni Vice President Sara Duterte na magbitiw matapos kontrahin si Education Assistant Secretary Reynold Munsayac at sabihing pag-usapan na lamang ng mga bidder ang pagbili ng ahensya ng mga computer sa computerization program.
“He (Munsayac) suggested, in the presence of three other DepEd officials who I was with that the bidders should discuss among themselves. “[Mag-usap usap na lang, para hindi masayang ang 2022 budget”, according to Atty. Munsayac. I firmly asserted that the procurement must be implemented and conducted in strict adherence with the rules,” ani Mercado sa kanyang affidavit.
Nangyari umano ang insidenteng ito noong October 2023 at matapos nito ay ipinatawag siya ni Lopez at inatasan na maghain ng kanyang resignation sa lalong madaling panahon na hindi nito sinunod bagkus ay naghain na lamang ito ng voluntary retirement.
“The timing of my meeting with Ms. Zuleika struck me as more than coincidental, it gave me the impression that my candid response to Atty. Munsayac’s suggestion was the real reason behind the push to relieve me of my office,” ayon kay pa Mercado.
Inamin din nito na mula nang maitalaga ito sa HOPE noong Pebrero 2023 hanggang September 2023 ay nakatanggap ito ng 9 envelope mula kay Assistant Secretary Sunshine Fajarda na asawa ni Edward D. Fajarda na siyang Special Disbursement Officer ng DepEd at lagi umanong sinasabi na “galing kay VP”.
May nakatatak umano ng Hope ang bawat envelope na ibinibigay sa kanya ni Fajarda buwan-buwan subalit inipon lamang umano nito at itinago sa kanyang tanggapan at nang mag-retire na ito ay nalaman nito na P50,000 ang laman ng bawat envelope.
Isusuko umano ni Mercado ang mga envelope sa nasabing komite na nag-iimbestiga kung papaano at saan ginamit ni Duterte ang kanyang pondo, hindi lamang sa OVP kundi maging sa DepEd.
Kinumpirma ni Mercado na bilang isa sa mga checking account signatories ng Deped kasama si Undersecretary for Finance Annalyn M. Sevilla ay pumirma din ito ng cheke na nagkakahalaga ng P37,500,000 na confidential funds ng ahensya.
Samantala, inisyuhan din komite ng show-cause order ang mga tauhan ni Duterte sa OVP dahil sa hindi pagsipot ng mga ito sa imbestigasyon kahapon. (BERNARD TAGUINOD)
103