LAS PIÑAS LAB ON WHEELS PARA SA LAS PIÑEROS MAG-IIKOT NA SA MGA BARANGAY

PINALAKAS pa ng Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas ang pagbibigay ng karagdagang seguridad sa kalusugan ng mga residente sa pamamagitan ng kanyang bagong Las Piñas Lab on Wheels, isang mobile laboratory, na iikot sa iba’t ibang barangay ng siyudad.
Sa pangangasiwa ng City Health Office (CHO) ay aarangkada na ang mobile laboratory ng lokal na pamahalaan upang mas ilapit at magbigay ng komprehensibong pangangalaga sa kalusugan ng mga Las Piñeros.
Kabilang sa mga libreng serbisyong alok ng Las Piñas Lab on Wheels ay ang chest xray, ecg, fasting blood sugar at cholesterol.
Malaking tulong ang lab van na ito partikular sa panahon ng medical mission ng lokal na pamahalaan na bababa sa mga barangay sa lungsod.
Binigyang-prayoridad nina Mayor Imelda T. Aguilar at Vice Mayor April Aguilar ang naturang proyekto upang siguruhing maihatid ang libre at dekalidad na mga serbisyo sa mga residente.
“Inilalapit namin ang magagandang serbisyong ito para sa mga Las Piñeros upang tulungan kayo na maibsan ang mga pasaning pampinansiyal sa pagpapasuri sa laboratoryo sa mga pribadong klinika at ospital,” ayon kay Mayor Aguilar.
Sinabi naman ni VM April Aguilar na bahagi ito ng kanilang programang Tuloy ang Tapat at Progresibong Serbisyo para sa mamamayan ng Las Piñas upang tugunan ang kinakailangang alagang pangkalusugan.
“Patuloy po naming pinaprayoridad ang inyong kalusugan at kapakanan upang tiyak na malusog din ang ating komunidad,” sabi ni VM Aguilar.
Binigyang-diin din ng bise alkalde ang mahalagang papel ng kalusugan sa pagkakamit ng lalong kaunlaran sa Las Piñas.
Nito lang June 11, taong kasalukuyan, pinabasbasan ng lokal na pamahalaan ang bagong Las Piñas Lab on Wheels ng CHO kasabay ng mga bagong environmental vehicles ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) na kinabibilangan ng pitong compactor trucks, dalawang mini dump trucks, at isang manlift truck.
Samantala, gagamitin naman ng CENRO ang mga bagong sasakyang ito sa pagpapahusay ng mga hakbang ng lokal na pamahalaan sa regular na pangongolekta nito ng mga basura, clean-up operations, clearing operations, at city-wide tree trimming activities para sa ligtas at malinis na komunidad.(Danny Bacolod)
42

Related posts

Leave a Comment