LABIS ang pasasalamat ng mga residente ng lungsod ng Malabon sa maagap na pagkilos ng mga local government at iba pang ahensya ng pamahalaan upang maayos ang nasira nitong navigational gate na nagsisilbing pananggalang sa baha lalo na pag may bagyo ganon din kapag nagka-high tide.
Bagamat napakalaking perwisyo ang idinulot nito sa mga kabahayan na dinadaanan ng malakas na agos ng tubig, nagkaisa ang magkatabing lungsod ng Malabon at Navotas sa pangunguna ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na pag-usapan kung paano sisimulan ang gagawing pagkumpuni na ang gagamitin ay matitibay na piyesa.
Maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na kahit masama ang panahon ay dinalaw ang nasabing lugar upang makita ang laki ng pinsala ganun din ang mga barangay na lubhang naapektuhan ang pamumuhay ng mga residente.
Napag-alaman na ang nasabing navigational gate ay nasa hurisdiksyon ng Navotas ngunit napakalaking bahagi ng Malabon lalo na ang apat na barangay nito ang apektado ng malakas na pasok ng tubig.
Ito ay ang barangay Dampalit, Tañong, at Concepcion at sa ilan pang lugar na nakararanas ng baha na aabot sa 2 metro na kapag nasabayan ng high tide ay mas maraming barangay sa low lying area ang lumulubog.
Base sa mga komentaryo sa social media ng mga residente ng dalawang lungsod, nadarama nila ang pag-aalala ng dalawa nitong Mayor na si Jeannie Sandoval at John Rey Tiangco na halos hindi hinihiwalayan ang pagmomonitor magmula nang umpisahan ang pagkumpuni ng nasabing navigational gate.
Halos hindi tumitigil si Mayor Jeannie sa pagbibigay ng mga kaganapan sa suporta ng media upang hindi mainip ang mga taong ang iba ay inilikas sa evacuation center dahil malaking bahagi ng kanilang bahay ang nasalanta kapag pumasok tuwing high tide ang tubig.
“Ipinaaabot ng mga residente ng aming lungsod ang taos pusong pasasalamat sa Pangulong Marcos gayundin sa MMDA, DPWH, DSWD at sa iba pang sangay ng mga ahensya ng ating gobyerno na hindi kami pinabayaan na bigyan ng kalutasan ang aming naging suliranin,” ayon kay Mayor Jeannie.
Nais din niyang paalalahanan ang dadaan na malalaking bangka sa lugar ng navigational gate na kung maaari ay pairalin ang hinahon at maging maingat na huwag masagi ang anomang bahagi ng istraktura upang maiwasan na maulit ang nangyaring pagkasira nito. (MARDE I. INFANTE)
28