LIQUOR BAN SA LAS PIÑAS, BINAWI NA

BINAWI na kahapon, Mayo 20, 2020, ng Las Piñas City Government ang liquor ban sa lungsod sa harap ng ipinatutupad na modified enhanced community quarantine (MECQ).

Sa nilagdaang City Ordinance No.1693-20, Series of 2020 ni Las Piñas City Mayor Imelda Aguilar, pinapayagan nang magbenta ng alak ang distributors, wholesalers o high-volume retailers hanggang low-volume retailers gaya ng grocery stores, sari- sari stores at convenience stores.

Paglilinaw ni Mayor Aguilar, ang pag-inom ng alak ay maaari lamang sa loob ng bahay at limitado sa mga miyembro ng pamilya.

Bawal imbitahan sa inuman ang mga kaibigan, kapitbahay o bisita.

Nakasaad sa guidelines ng pagpapatupad ng community quarantine na bawal ang operasyon ng mga establisyimento tulad ng mga restaurant, bar, club, hotel, panciteria at karinderya, kaya naman hindi rin sila pinahihintulutang magbenta at magsilbi ng alak.

Mahigpit ding ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ang pag-inom ng alak sa mga pampublikong lugar tulad ng kalsada, bangketa, parke, plaza, parkway, at iba pang katulad na lugar.

Ang sinomang lalabag sa ordinansa ay papatawan ng karampatang parusa at multa. (DAVE MEDINA)

164

Related posts

Leave a Comment