(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
INIREKLAMO sa Office of the Ombudsman sa kasong qualified theft at paglabag sa Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction Management Act of 2010 si Malabon Representative Jaye Lacson Noel, asawa nitong si Florencio “Bem” Noel at kasabwat na kagawad dahil sa pagre-repack ng relief goods mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Bukod sa mag-asawang Noel, kasama sa inireklamo si Kagawad Romulo Cruz.
Batay sa reklamo ni Rogelio Gumba, inamin nito na siya mismo ang inutusan ng kongresista na irepack ang DSWD relief goods na para sa mga naapektuhan ng Bagyong Carina.
Makaraan ang kanilang repacking kung saan kasama sa tumulong si Cruz ay saka nila dinala ang mga ito sa “White House” o ang headquarters ni Noel sa Tonsuya, Malabon.
Ani Gumba, ang bagong repacked na family food pack ay kanilang inilagay sa plastic bag na siya namang ipinamahagi ng mag-asawang Noel sa Brgy. Longos, Hulong Duhat at Tinajeros.
Inamin pa nito na mayroong kasamang canned goods ang relief goods ng DSWD subalit hindi nila ito isinama sa kanilang nirepack, aniya, mayroong social media posts ang kampo ng kongresista ukol sa pamamahagi nito ng relief goods sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong Carina.
Una nang sinabi ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na illegal ang pag-tamper at repacking ng family food packs (FFPs). Aniya, walang karapatan sinoman na bawasan ang laman ng kanilang ipinamamahaging ayuda.
Ang bawat FFP box ay mayroon umanong DSWD seal at may espesipikong laman gaya ng 6 na kilong bigas, 4 na canned tuna, 2 sardinas, 4 na corned beef, 5 sachets ng 3in1 coffee at 5 sachets ng cereal drink na dapat ay kumpletong makukuha.
Sa ilalim ng Section 19 ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Risk Reduction and Management ang sinomang mapatutunayan na nagrepack o nag-tamper sa mga relief goods ng gobyerno ay maaaring mapatawan ng multa na hanggang P500,000 at pagkakulong ng 6 hanggang 12 taon at pagdiskwalika na makapagtrabaho sa gobyerno.
Sa ngayon ay wala pang tugon ang mambabatas ukol sa reklamo laban sa kanilang mag-asawa.
4