MAY nakalaang aabot sa halos P800 milyon na budget sa tanggapan ni Marikina City Mayor Marcy Teodoro para sa susunod na taon na kinukwestyon ngayon ng mga taga-lungsod.
Ang naturang pondo ay pinangangambahan ng mga kritiko na mauwi bilang pork barrel dahil nasa buong kontrol ng Office of the Mayor kung paano ito gugugulin.
Malaking bahagi ang halagang ito sa kabuuang P3.4 bilyon na iminumungkahing pondo ng lungsod para sa 2025.
Kasalukuyan pang isinasagawa ang deliberasyon ukol sa 2025 Marikina City budget.
Base sa numero, lumilitaw rin na ang P800 milyong budget ay mas malaki kahit pa pagsamahin ang mga pondo ng Health Department at Disaster Risk Reduction Management Office ng Marikina.
Ang Marikina ay walang sariling ospital at laging tinatamaan ng sakuna sa tuwing may kalamidad.
Sa P800 milyong pondo ni Teodoro, maaaring bukod pa rito ang P25 milyong confidential funds kagaya noong mga nakaraang taon.
Samantala, naglaan naman ang konseho ng lungsod ng P595 milyon bilang pambayad-utang o debt service. Ang Marikina ay may utang na halos P4 bilyon.
Matatandaan na umalma ang mga residente ng Marikina sa sinasabing pag-railroad at pasikretong pagpasa ng mga konsehal na kaalyado ni Teodoro sa pondo ng iba’t ibang departamento ng lokal na pamahalaan sa Committee on Finance and Appropriations noong nakaraang linggo.
Nasilip din na hindi kabilang sa mga tinalakay ang pondo ng opisina ni Teodoro at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita ng mga oposisyong konsehal ang detalyadong budget proposal ng alkalde.
Ayon sa ilang ekspertong legal, maaaring nalabag dito ang sections 314 at 318 ng Local Government Code at maaaring masampahan ng kaso sa Ombudsman ang sinomang may pagkakasala.
Anila, dapat kompleto at opisyal ang pagsusumite ng isang lokal na pamahalaan, gaya ng Marikina, ng budget proposal nito taon-taon.
Habang sinusulat ito ay nakatakda nang pagdebatehan sa plenaryo ng konseho ng lungsod ang P3.4 bilyong 2025 Marikina City budget. Kasabay nito, nanawagan naman ang ilang grupo para sa transparency at mabuting pamamahala sa kanilang lungsod.
59