PAGKAKAPATAY NG PULIS SA ISA PANG TOTOY SISILIPIN NG CHR

NAGLUNSAD ang Commission on Human Rights (CHR) ng motu proprio investigation sa pagkamatay ng isa na namang binatilyo na di umano’y nabaril ng pulis sa ‘Oplan Sita’ sa Rodriguez, Rizal.

Ang 15-anyos na biktimang si John Frances Ompad o si alyas ‘Kulot’ ay nakaburol na sa kanilang bahay makaraan ang insidente nito lamang Agosto 20.

Ilang araw matapos ilibing ang binatilyo ring si Jemboy Baltazar na napatay naman sa Navotas.

Sa ulat, nag-ugat ang insidente sa paninita ng nakasibilyang pulis na nakilalang si Corporal Arnulfo Sabillo sa isang motorcycle rider sa alanganing oras at lugar.

Sa naturang insidente, target sana ng bala ang 19-anyos na kuya ni John Frances na si John Ace. Nais lamang sumaklolo ni ‘Kulot’ sa kapatid nang mangyari ang insidente.

Kuwento ni John Ace, pauwi siya noon sa kanilang bahay matapos kunin ang kanyang suweldo bilang construction worker nang sundan ng lalaking sakay ng motor na nagpakilalang pulis.

“Nagtanong na po ‘yung lalaki, ‘yung driver po. Sabi niya, ‘pulis ako, itabi mo ‘yong motor mo.’ Eh hindi ko naman po naisip na pulis sila kasi mga lasing po eh,” ani John Ace.

Nahagip sa CCTV ang pagbuntot ng riding in tandem kay John Ace.

Maririnig din ang apat na putok ng baril.

Sinabi ng CHR na nakikipag-ugnayan na sila sa Philippine National Police (PNP) at binisita ang pamilya ni Ompad bilang bahagi ng independent probe nito.

“CHR is seriously concerned over this incident, especially that this is the second instance this month when the perpetrator of the alleged arbitrary deprivation of life involves a police officer and the victim is a minor,” ayon pa rin sa CHR .

Inulit nito na ang PNP ay mayroong malinaw na “manual of operations” sa pagsasagawa ng checkpoints.

“Aside from securing the necessary authorization from the Head of Office of the territorial PNP unit, the checkpoint must be manned by PNP personnel in a presentable appearance while wearing the prescribed uniform,” ayon sa CHR.

“And even when a legitimate checkpoint is ignored, the said PNP manual reminds that reasonable force must be employed to overcome aggression,” dagdag na wika ng CHR.

Samantala, si Sabillo ay pumasok sa serbisyo noong 2015 at isang buwang nasuspinde matapos maaresto noong Disyembre 24 sa kasong alarm and scandal sa Pasig City.

Nitong Enero 16, nasuspinde siya ng 20 araw dahil sa kasong administratibo matapos sadyang hindi magbayad ng utang.

Umaasa naman ang CHR na ang kanilang independent investigation ay mauuwi sa pagpapanagot sa mga salarin.

(CHRISTIAN DALE)

205

Related posts

Leave a Comment