PULONG NI DUTERTE SA PNPA CLASS 1996, 1997 KINUMPIRMA

PINULONG ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang ilang miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 1996 at 1997 para pag-usapan ang Davao Template sa war on drugs, dalawang araw bago ito nanumpa bilang Pangulo ng Pilipinas noong 2016.

Naestablisa ito matapos mapaamin ng Quad Committee si dating Philippine Charity Sweepstake Office (PCSO) general manager Royina Garma bagama’t patuloy naman itong itinatanggi ng kanyang upper class na si ret. Police Col. Edilberto Leonardo.

Si Garma, ng PNPA Class 1997, ay umamin sa pagtatanong ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen “Caraps” Paduano na nagkaroon ng pulong ito noong June 28, 2016 sa ikalawang palapag ng gusali ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Davao City.

Si Duterte ay nanumpa bilang Pangulo noong June 30, 2016 at pormal na inilunsad ang war on drugs sa buong bansa kung saan maging ang mga inosenteng mamamayan at walang kinalaman sa ilegal na droga ay napatay sa police operations dahil nanlaban umano ang mga ito.

“Did you talk something about that war on drugs? Sabihin na nating Davao Template?,” tanong ni Paduano kung saan sinagot ito ng Garma ng… “May napag-usapan po but it’s not in-depth, it’s just passing, Mr. Chair.”

Nasa kabilang silid din umano ang ilang miyembro ng PNPA Class 1996 na original class ni Leonardo subalit grumaduate lamang ito noong 2018 matapos masangkot sa isang kaso ng patayan.

“Mr. Chair, di ko po ma-recall ‘yung Davao Template,” ani Leonardo,” subalit nang muling tanungin ni Paduano si Garma ay sumagot ito ng “Napag-usapan din po”.

Base sa impormasyong nakarating sa Quad Committee, malaki ang naging papel ng ilang miyembro ng PNPA Class 1996 at 1997 sa anti-illegal drug operations sa Davao City noong mayor pa si Duterte.

Nasa pulong din umano ang noo’y assistant ni Duterte na si Bong Go at ang incoming PNP Chief na si Gen. Ronald “Bato’ Dela Rosa.

Subalit ayon kay Garma, wala itong maalala na pumunta sina Go at Dela Rosa sa kanilang silid habang inamin naman ni Leonardo na nakadaupang palad nila ang dating Special Assistant to the President (SAP) paglabas nila sa kanilang silid. (BERNARD TAGUINOD)

30

Related posts

Leave a Comment