SAGUPAAN NG DALAWANG MILF FACTION: 11 PATAY, 5 SUGATAN

SINISIKAP ngayon ng militar at local leaders na maagapan ang tensyon sa dalawang lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang hindi na kumalat pa ang pagdanak ng dugo matapos mamagitan ang kasundaluhan, pulisya at MILF-AHJAG kasunod ng armadong sagupaan na ikinamatay ng 11 katao habang may 5 naitalang sugatan.

Sa inisyal na ulat na ibinahagi ng Philippine Army 6th Infantry Division naganap ang engkwentro sa pagitan ng 105th Base Command, MILF, BIAF na pinamumunuan ni Engineer Alonto Sultan laban sa pinagsanib na pwersa ng 128th Base Command at 129 Base Command, MILF, BIAF na nasa pamumuno ni Ikot Akmad bandang 1:30 kamakalawa ng hapon sa bisinidad ng Sitio BPI, Brgy. Kilangan, Pagalungan, Maguindanao del Sur.

Dalawa ang iniulat na namatay sa panig ng 129 Base Command at 128 Base Command na pinamumunuan ni Ikot Akmad habang sa hanay ng 105th Base Command sa ilalim ng pamumuno ni Engr. Alonto Sultan ay siyam ang sinasabing nasawi. May lima rin umanong sugatan na pawang hindi muna kinilala.

Nabatid na sa tindi ng sagupaan, napilitang lumikas ang mahigit 30 pamilya sa pangambang maipit sa bakbakan.

Humupa ang tensyon matapos ang pagsisikap ng kasundaluhan, pulisya, at iba pang security forces kasama ang Government of the Philippines-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (GPH-CCCH) na nagbigay ng seguridad sa komunidad.

Matapos pansamantalang maawat ang naglalabang grupo ay sinulatan ng 602nd Infantry Brigade na nasa ilalim ng Army 6th Infantry Division GPH-CCCH para idulog ang umano’y paglabag sa peace process ng mga kasapi ng 128 Base Command, 129 Base Command at 105 Base Command.

Kasunod nito ang pakikipagdayalogo nina, Lt. Col Rowel E Gavilanes (GSC) PA, Commanding Officer ng 90th Infantry Battalion at Lt Col Rowel C Caacbay PA, ang Battalion Executive Officer, 90IB sa mga kasapi ng MILF-AHJAG sa pamumuno ni Mr Nor Ali, Secretary ni Mr Anwar Alamada, Chairman, MILF-AHJAG at tinalakay ang insidente para mamagitan ang MILF-AHJAG nang maiwasan na magkaroon ng gantihan at matukoy ang ugat ng hidwaan.

Ayon kay Lt. Col. Rowel Gavilanes, pinuno ng 90IB, nagpakalat ang kasundaluhan ng mga tropa upang tiyakin ang kaligtasan ng mamamayan sa lugar. (JESSE KABEL RUIZ)

32

Related posts

Leave a Comment