(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
KINANSELA na ng Commission on Elections (Comelec) ang kandidatura ni Marikina Mayor Marcelino Teodoro bilang kongresista ng unang distrito ng lungsod.
Ito’y matapos katigan ng poll body ang petisyong inihain laban sa kanya dahil sa material misrepresentation.
Ang desisyon ay inilabas ng Comelec First Division noong Disyembre 11, 2024 at nilagdaan nina Commissioner Ernesto Ferdinand Maceda, Commissioner Aimee Ferolino, at Commissioner Socorro Inting.
Sa Certificate of Candidacy (COC) ni Teodoro, idineklara niyang residente siya ng Unang Distrito kahit hindi totoo.
Ayon sa Comelec, malinaw itong material misrepresentation o panloloko na sapat na dahilan para kanselahin ang kanyang kandidatura sa pagka-kongresista sa Unang Distrito sa halalan sa 2025.
“Kahit pinapayagan ang pagbabalik sa dating distrito, kailangang maipakita ni Teodoro na siya ay aktwal na nanirahan at muling nagtatag ng tirahan sa Unang Distrito ng hindi bababa sa isang taon bago ang halalan,” ayon sa desisyon ng Comelec sa wikang Ingles.
Sabi pa sa desisyon, napatunayang iniwan na ni Teodoro ang kanyang domicile of origin sa Unang Distrito at nagkaroon ng bagong domicile of choice sa Ikalawang Distrito. Bagama’t hindi bawal para kay Teodoro na bumalik sa kanyang dating domicile of origin, kinakailangan ng batas sa halalan na magpakita siya ng ebidensyang muli niyang naitatag ang kanyang tirahan sa Unang Distrito nang hindi bababa sa isang taon bago ang halalang pambansa at lokal sa 2025.
Ipinaliwanag pa ng Comelec na sinadya at seryosong maling inilahad ni Teodoro ang kanyang residency sa Unang Distrito, dahilan para ikansela o hindi bigyan ng bisa ang kanyang COC.
Sinabi pa ng Comelec na hindi maitatanggi at inamin mismo ni Teodoro na may bahay siya sa Barangay Tumana, Ikalawang Distrito, at matagumpay niyang inilipat ang kanyang tirahan doon.
Dahil dito, kinakailangan anila na maipakita ni Teodoro ang malinaw at kongkretong intensyon, aktwal na pagbabago ng tirahan, at pagtira sa Unang Distrito.
Binigyang-diin ng Comelec na ang pagkakaroon ng bagong tirahan ay hindi lamang basta deklarasyon, kundi kailangang ipakita ang tatlong mahalagang aspeto: aktwal na paglipat, intensyong iwan ang dating tirahan, at aktwal na pagtira sa bagong lugar.
Sa kaso ni Teodoro, wala siyang naipakitang sapat na patunay na bumalik siya sa Unang Distrito. Dagdag pa ng Comelec, hindi sila kumbinsidong naibalik at muling naitatag ni Teodoro ang kanyang paninirahan sa Unang Distrito mula noong Abril 2024. Anila, tulad ng binanggit ng mga petisyuner, walang sapat at mapatutunayang konkretong aksyon si Teodoro para suportahan ang kanyang intensyon na bumalik at muling manirahan sa Unang Distrito.
12