VOUCHER SYSTEM SA MGA ESTUDYANTE, TARGET PALAWAKIN MULA KINDER HANGGANG GRADE 6

NAIS ni Senador Win Gatchalian na palawakin ang tulong pinansyal ng pamahalaan sa mga mag-aaral na nasa mga pribadong paaralan at isama ang mga Kindergarten hanggang Grade 6.

Sa ngayon ang senior high school lang lamang ang nabibigyan ng tulong pinansyal ng gobyerno sa pamamagitan ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education

(GASTPE) sa ilalim ng Republic Act No. 6728 (Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act) na inamyendahan na ng Republic Act No. 8545 (Expanded Government

Assistance to Students and Teachers in Private Education Act).

“Kailangang humanap tayo ng mga bagong paraan upang tugunan ang mga pangangailangan natin para sa mga silid-aralan, mga guro, at mga aklat para sa ating mga mag-aaral. Isa sa palalawakin natin ang voucher program sa basic education system,” saad ni Gatchalian.

Ang Senior High School-Voucher Program (SHS-VP) ay isang anyo ng tulong pinansyal para sa mga kwalipikadong mag-aaral mula sa non-DepEd schools at mga pribadong paaralan.

Sa ilalim ng programa, nakakatanggap ang mga mag-aaral ng ayuda sa pamamagitan ng mga voucher.

Mayroon ding Educational Service Contracting (ESC) para naman sa mga mag-aaral ng junior high school kung saan mabibigyan na ng mas maraming slots ang mga estudyante para makapasok sa certified private junior high schools.

Sa panukala ni Gatchalian, voucher system na lamang ang gamitin sa paghahatid ng tulong pinansyal sa mga mag-aaral, lalo na’t mas simple ang prosesong ito at dapat din anyang tiyaking may kalidad ang mga pribadong paaralang lalahok sa programa.

“Dapat mayroon ding aspeto ng kalidad sa mga pribadong paaralan upang mabigyan din sila ng incentive kung iaangat nila ang kalidad ng kanilang pagtuturo,” saad pa ng senador.

Ayon kay Gatchalian, makatutulong ang mas malawak na voucher system upang maiwasan ang patuloy na pagsikip sa mga pampublikong paaralan.

Upang maging mas epektibo ang paggamit ng pondo para dito, sinabi ni Gatchalian na kailangang targetin ang mga lugar kung saan maraming public schools.

Ipinaliwanag pa ng senador na makatutulong ang panukalang programa na makabangon ang mga pribadong paaralan mula sa pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.

Para sa School Year 2020-2021, may 3.2 milyong mag-aaral sa mga pribadong paaralan, katumbas lamang ng 14% ng kabuuanng enrollment sa basic education.

(Dang Samson-Garcia)

114

Related posts

Leave a Comment