PAGPAPALIWANAGIN ni Senate Majority Leader Migz Zubiri ang mga ahensyang namamahala sa mga dam hinggil sa pagre-release nila ng tubig nang walang abiso.
Ito anya ang naging dahilan ng biglaang pagtaas ng tubig baha partikualr sa bahagi ng Isabela at Cagayan gayundin sa Marikina at ilang bayan sa lalawigan ng Rizal.
“Nagre-release sila dahil puno na ang tubig pero yung nangyaring paglabas parang biglaan, walang warning, dapat talaga may warning. This week may plano kami ni Senator Win Gatchalian, we want to ask questions sa proper agencies bakit sila nag-release ng tubig nang walang warning,” saad ni Zubiri.
“Nagkaroon ng massive flooding sana naman may warning signals agencies, rest assured tatanungin ko yan sa budget hearings,” dagdag pa ng senador.
Kasabay nito, iginiit ni Zubiri na panahon na para talakayin ang pagtatayo ng Department of Disaster Resilience upang magkaroon ng isang ahensyang tututok sa mga bagay na may kinalaman sa kalamidad.
“Sa tingin ko panahon na magkaroon ng DDR kasi dito sa atin kada linggo dumarating na ang bagyo, may volcanic eruption, may lindol. December, January, nagkaroon ng Taal volcano eruption, lindol sa Davao, South Cotabato, bagyo na puminsala sa atin. Ang problema hindi tayo handa at nagtuturuan pa ang local at national government,” diin ni Zubiri. (DANG SAMSON-GARCIA)
