Mga Bulakenyo, napa-‘sana all’ ‘DI LAHAT MAY AYUDA SA BULACAN

BULACAN – Nilinaw ni Guiguinto Mayor Ambrosio Cruz Jr., pangulo ng League of Municipalities of the Philippines Bulacan Chapter, hindi lahat ay makatatanggap ng ayuda o emergency subsidy na galing sa national government.

Nauna rito, ipinadala na ng Department of Budget and Management (DBM) ang inilaang P2.9 billion pondo para sa agarang pamamahagi ng emergency subsidy sa 21 munisipalidad at 3 lungsod sa Bulacan na kasama sa NCR Plus, na apektado ng reimplementation ng enhanced community quarantine (ECQ).

Base sa Joint Memorandum Circular (JMC) guidelines na ipinadala sa Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of National Defense (DND) at Local Government Units (LGUs), nabatid na pawang low-income earners ang idineklarang beneficiaries ng nasabing emergency subsidy at hindi kabilang ang nasa middle and upper class income earner.

Ayon kay Cruz, priority target beneficiaries ng P1,000 para sa bawat affected individuals at maximum of P4,000 naman para sa bawat pamilya, low-income individuals at mga nagtatrabaho na kabilang sa informal economies na apektado ng kasalukuyang umiiral na ECQ.

Sa isinagawang pagpupulong sa pamamagitan ng video conference noong Lunes ng local chief executives, sinabi ni Mayor Cruz na inaayos na rin nila na mabigyan o madagdagan ang beneficiaries ngunit ang pondo ay manggagaling na sa LGU fund.

Aniya, ang lahat ng LGU sa Bulacan ay napagkasunduang ipamahagi ang nasabing ayuda “in cash”.

Samantala sa bayan ng Pulilan, isinagawa ang pilot payout ng financial assistance na pinangasiwaan ng DSWD Region 3 personnel at LGU na ginanap sa Barangay Santa Peregrina covered court nitong Huwebes ng umaga.

Ayon kay Reiner Grospe, information officer ng DSWD Region 3, umabot sa 90,027 beneficiaries sa bayan ng Pulilan ang makatatanggap ng nasabing financial assistance.

Nabatid pa kay Grospe, sinimulan na rin ang pamimigay ng ayuda sa tinatayang 596,895 recipients sa City of San Jose Del Monte at 48,138 recipients naman sa bayan ng Obando noong Miyerkoles.

Inihayag naman ni Pandi Mayor Enrico Roque, nadagdagan naman sa nasabing bayan ang makatatanggap ng ayuda, mula sa inaasahan lamang na 24,432 o 80% recipients, ay umabot ito sa 44,250 beneficiaries.

Ayon kay Roque, ang nadagdag na 19,818 beneficiaries ay ang mga nasa Social Amelioration Program (SAP) wait-listed beneficiaries kung saan naman ang pondo para rito ay manggagaling sa lokal na pamahalaan at hindi “cash” kundi “in kind” o food pack.

“Ang importante ay mas marami ang makinabang kaya gumamit na kami ng local funds,” pahayag ni Roque na sinabing kasalukuyan na nilang inaayos kung paano at kailan ito ipamimigay. (ELOISA SILVERIO)

100

Related posts

Leave a Comment