Mga dayuhang nasa ‘exclusion order’ pinayagang makapasok ng bansa BI ORDER SA AIRPORT FOR SALE?

(RUDY SIM)

MULING umalingasaw ang katiwalian sa Bureau of Immigration (BI) makaraang bawiin ng ahensya ang exclusion order laban sa apat na Chinese nationals na hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Noong nakaraang August 11 ay lumapag sa NAIA terminal 3 ang Pan Pacific Airlines flight 8Y8301 sakay ang mga dayuhang sina Mo Zhiqiang, Li Qibo at Deng Quanbao.

Sinala ng BI immigration officer na sina Miguel Santos, Mary Ann Almaon at Travel Control Enforcement Unit (TCEU) officer Glaizel Velazquez at duty Immigration Supervisor, Ma. Lourdes Quidangen at Lynn Mangahas ang mga dayuhan ngunit hindi pumasa upang payagan silang makapasok ng bansa. Inilagay nila ang mga dayuhan sa excluded passengers at nirekomendang isama sa listahan ng mga dayuhang nasa blacklist matapos silang pabalikin sa kanilang point of origin.

Ayon sa Exclusion Order No. POD T3-21-08-012, naging kaduda-duda ang mga Chinese nang walang maipakitang patunay na may kakayahan ang mga ito na magtrabaho sa bansa.

Makalipas ang isang araw, August 12, sakay naman ng Cathay Pacific CX 907 mula Hongkong ang isang Chinese national na hinarang sa NAIA Terminal 3. Kinilala ito na si Xu Jiawei.

Ayon sa kanyang Exclusion Order No. POD T3-21-08-013, hindi rin napatunayan ng nabanggit na dayuhan na may kakayahan siyang magtrabaho sa bansa at nasilip pa sa database na mayroon na itong masamang record makaraang mag-overstay ng mahigit isang taon.

Ngunit noong August 13 ay binawi ng BI ang exclusion laban sa apat na Chinese at sa ipinalabas na Recall of Exclusion Order ng Office of the Commissioner, REO No. JHM-2021-380 at REO No. JHM-2021-378 ay pinayagan na ang mga dayuhan na makapasok ng bansa sa halip na pabalikin sa kanilang bansa.

Labis itong ikinalungkot ng mga immigration officer sa airport dahil nabalewala ang kanilang hirap at malasakit sa bansa at sa kanilang sinumpaang tungkulin.

179

Related posts

Leave a Comment