INATASAN ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang lahat ng kongresista na isapubliko ang kanilang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) para maibalik ang tiwala ng taumbayan sa Kongreso.
Sa ambush interview sa Kamara, iginiit ni Dy na hindi lang mga mambabatas ang dapat maglabas ng SALN kundi pati na rin ang mga opisyales at empleyado ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno. “Sa ngayon, kailangan talagang makita ng taumbayan ang SALN ng bawat isa,” ani Dy.
Huling nailabas ang SALN ng mga kongresista noong 2020. Tumigil ang pagsasapubliko nang ipalabas ni dating Ombudsman Samuel Martires ang memo na nagbabawal sa paglalantad ng SALN nang walang pahintulot ng mismong may-ari. Dahil dito, nawalan ng ideya ang publiko kung gaano kalaki ang yaman ng mga mambabatas at iba pang opisyal ng gobyerno.
Lalo pang lumakas ang panawagan na ibalik ang SALN sa gitna ng imbestigasyon sa flood control projects kung saan ilang kongresista ang nadadawit sa maanomalyang paggamit ng pondo. Pero giit ni Dy, kahit may memo pa si Martires, dapat kusang maglabas ng SALN ang mga opisyal para linisin ang pangalan at maibalik ang tiwala ng taumbayan.
“Nakikita natin na mahalaga ito para manumbalik ang tiwala ng publiko,” sabi pa ng Speaker, na nag-anunsyo ring ilalabas niya ang sariling SALN sa mga susunod na araw.
Sa ngayon, tanging Akbayan party-list at mga kaalyado nito ang nagsumite at nagsapubliko ng kanilang SALN.
(BERNARD TAGUINOD)
151
