Mga kukubra ng SAP aid dumagsa QC SABLAY NA NAMAN SA SOCIAL DISTANCING

TILA walang kadala-dala ang mga lokal na opisyal ng Quezon City dahil sa kabila ng mga batikos na inabot ng mga ito kamakailan sa kapalpakan sa pagtupad sa enhanced community quarantine protocols ay hindi pa rin nila ito nagawang iwasan.

Base sa eksenang nakunan ng larawan ng Saksi Ngayon news team sa Barangay Commonwealth at Brgy. Culiat nitong Lunes hanggang madaling araw ng Martes, sablay na naman ang local government ng Quezon City sa ilalim ni Mayor Joy Belmonte na ipatupad ang social distancing.

Dagsa ang mga residenteng gustong makakuha ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) kaya nagtiyaga ang mga itong pumila sa Brgy.

Commonwealth, Batasan Hills na inabot ng gabi hanggang madaling araw ng Martes.

Halos ganito rin ang eksena sa Brgy. Culiat High School na umabot sa ikalawang palapag ng gusali ang pila ng mga taong naghihintay makakuha ng SAP cash.

Bukod dito, nakunan din ng larawan ang mahabang pila sa isang bangko sa Quirino Highway corner Zabarte Road, Brgy. Kaligayahan. Kapansin-pansin na walang bantay o nagmamando sa mga taong pumipila sa atm ng bangko para matiyak na nasusunod ang social distancing.

Kamakailan, hinimok ni dating Department of Interior and Local Government (DILG) chief Rafael Alunan III ang Inter-Agency Task Force (IATF) na isailalim sa kontrol nito ang lungsod bunga ng kabiguan ng pamahalaan ni Mayor Belmonte na matugunan ang problemang kinakaharap sa gitna ng banta ng COVID-19.

“The IATF should takeover. The QC LGU can’t handle the problem. More will die at the rate it’s going,” nakasaad sa post ni Alunan sa kanyang Facebook page.

Ang reaksyon ni Alunan ay kaugnay ng viral photo kung saan makikita ang dagsang mamimili sa Balintawak market.

Bukod dito, inupakan din ng maraming taga-lungsod ang pagpapapila sa mga miyembro ng TODA sa city hall upang kunin ang ayudang dalawang libong piso mula sa lokal na pamahalaan na nagdulot din ng paglabag sa social distancing na isa sa mga mainam na panlaban kontra sa pagkalat ng lubhang nakahahawang virus.

Reaksyon ng ilang residente, sa halip na protektahan, mistulang inilagay pa umano sa peligro ang milyong residente dahil kapag nagkahawaan sa palengke at pagpila ng mga TODA sa city hall, tiyak na mabilis kakalat ang COVID-19.

Bukod dito, malinaw umanong nilabag ng Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Council (QCDRRMC) ang Bayanihan law.

Ang QCDRRMC ang pangunahing sangay na nangangasiwa sa pagpapatupad ng “risk reduction” kagaya ng social distancing at enhanced community quarantine.

“This is exactly why Quezon City has the highest number of cases in the whole country, with the LGU too weak to implement ECQ protocols,” sabi pa ng isang netizen. SAKSI NGAYON NEWS TEAM

179

Related posts

Leave a Comment